Nasunog na barko sa Basilan hindi ‘overloaded’ – PCG
MANILA, Philippines — Hindi ‘overloaded’ ang MV Lady Mary Joy 3 nang sumiklab ang isang sunog dito na nagresulta ng pagkasawi ng nasa 29 na biktima na ang ilan ay nalunod nang tumalon sa tubig para makaiwas sa apoy, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi ni Coast Guard spokesperson, Commodore Armand Balilo na 430 ang kapasidad ng barko nang masunog ito ay nasa 252 lang ang sakay nito kasama ang mga crew.
“Yung total capacity niya is 430. Kung titingnan naman natin yung manifesto including the crew, ano na siya, total of 252. At based naman doon sa mga testimony rin ng mga naka-survive, hindi naman sila overcrowded doon sa loob ng barko,” ayon kay Balilo.
Unang iniulat ni Basilan Governor Governor Jim Hataman-Salliman na 31 ang nasawi sa insidente. Sa opisyal na datos ng PCG, nasa 29 lamang ito, kung saan 11 ang nasawi nang malunod habang 18 ang nasunog.
Nailigtas ng mga rescuer ang nasa 216 pasahero at mga crew habang nasa pito pa ang nawawala.
Posible umano na nag-panic ang ilang pasahero nang agad na tumalon sa dagat. Nang marekober nila ang mga bangkay, ilan sa kanila ay walang suot na life jacket.
Ilan naman sa mga nasawi ay nasunog at isasailalim sa DNA testing para makumpirma ang kanilang pagkakakilanlan.
“Itong barko na ‘to is matagal na, 33 years old siya, although hindi naman siya ganoon kabago pero as per information na natanggap naming is well-maintained naman siya,” dagdag ni Balilo.
Sa ngayon, patuloy ang masusing imbestigasyon para mabatid ang pinagmulan ng apoy.
Isa sa tinitingnan kung nagmula ang apoy sa air-conditioned cabin; kung may nasira sa sistema ng barko o kung may nakaiwan ng isang ‘flammable material’.
- Latest