ASF, isa nang national concern - DA
MANILA, Philippines — Isa na umanong national concern ang African Swine Fever (ASF) dahil kumalat na ito sa 16 rehiyon sa bansa.
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary at deputy spokesman Rex Estoperez na naipaalam na ng Department of Agriculture (DA) kay Pangulong Bongbong Marcos ang lawak ng pinsala ng ASF.
“We have already informed the President (on the ASF). It’s a national concern, even though we are continuously importing pork. We don’t want this to cause a spike in our importation which is detrimental to our local raisers,” pahayag ni Estoperez.
Kinumpirma rin ni Estoperez ang report ng Bureau of Animal Industry na 16 rehiyon na sa bansa ang may ASF at tanging ang Metro Manila ang walang kaso nito.
Sa data ng BAI, ang unang kaso ay naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos ang outbreak sa South Upi, Maguindanao del Sur. Mayroon pang ASF case sa 12 lugar sa Cebu.
Dahil anya sa mabilis na pagkalat ng ASF, maaaring makaranas ng kakulangan sa suplay ng baboy ang bansa sa ikalawang quarter ng taong ito.
Sinabi ni Estoperez na nakikipag-ugnayan na sila sa local government units (LGUs) lalo na sa lalawigan ng Cebu upang magtulungan na mapigilan pa ang pagkalat ng virus.
Nanawagan din si Estoperez sa mamamayan na huwag magdadala ng fresh at cooked pork kung bibiyahe sa iba’t ibang mga lugar ngayong Holy Week dahil ang ASF ay maaari anyang lumaganap sa pamamagitan ng suot na sapatos at mga kasuotang damit.
Maaari anyang kumpiskahin ang mga dala-dalang pork products kapag nakitang baon sa Semana Santa.
- Latest