MANILA, Philippines — Pumalo na sa 31 ang bilang ng nasawi sa nasunog na passenger vessel sa Baluk-Maluk Island sa Basilan kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Basilan LGU Spokesman Richard Falcatan, posibleng madagdagan pa ang bilang dahil hindi pa napupuntahan ng mga rescuers ang ibang bahagi ng barkong M/V Lady Mary Joy 3.
Pinakahuling nakuha ang 18 sunog na bangkay na nasa second deck ng barko.
Sinabi ni PCG Commodore Rejard Marfe na nag-panic ang mga tao na karamihan ay natutulog nang maganap ang sunog. Isinadsad umano ng kapitan ang barko sa mababaw na parte ng dagat para mas madaling makalangoy ang mga pasahero.
Samantala, sinabi ni Philippine Coast Guard-Zamboanga Commander Christopher Domingo, nagsimula ang apoy sa accommodation area ng barko.
Sinabi naman ni PCG District BARMM Commander Commodore Rejard Marfe, ang 10 sa mga namatay ay dahil sa pagkalunod.
“As of now, continuous ‘yung pag-search natin sa barko para makita natin kung meron pang cadavers na madi-discover,” ani Marfe.
Nasa 230 ang nailigtas habang siyam ang nagtamo ng sugat.
Iniimbestigahan na ng PCG ang sanhi ng sunog habang inalis na ang anggulong overloading dahil nasa 403 ang kapasidad ng barko.
Wala pa namang napaulat na oil spill mula sa barko.
Patungo sana sa Jolo, Sulu ang MV Lady Mary Joy 3 mula Zamboanga City nitong Marso 29 nang sumiklab ang sunog.
Kinumpirma rin ni Marfe na dinala ng kapitan ng barko sa Baluk-Maluk Island sa Hadji Muhtamad town ang barko upang mailigtas ang mga pasahero.
Umalalay na rin ang PPA sa mga survivor at agad nagpaabot ng tulong gaya ng kape, pagkain, at masisilungan katuwang ang Maritime Industry Authority (MARINA) at PCG.
Ito’y matapos makarating kay PPA General Manager Jay Santiago ang ulat ng pagkasunog ng nasabing barko.