MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Commission on Higher Education (CHED) na agad tugunan ang kakulangan ng mga nurses sa bansa dahil sa migration.
Sa pulong kamakalawa sa Palasyo ng Malakanyang kasama ang mga opisyal ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Healthcare Sector group, giniit ng Pangulo na dapat tayong maging matalino tungkol sa healthcare manpower dahil ang mga nurses ay “the best” sa buong mundo at ang kalaban natin ay mga nurses na nagtutungo sa ibang bansa kung saan mataas ang suweldo.
“Lahat ng nakakausap kong President, Prime Minister, ang hinihingi is more nurses from the Philippines,” sabi ni Marcos.
Sinabi naman ni CHED Chairperson Prospero de Vera III na may ginagawa na silang hakbang para maparami ang mga nurse sa bansa.
Kabilang na rito ang retooling board non-passers, adopting nursing curriculum with exit credentials, redirecting non-practicing nurses at pagsasagawa ng exchange programs sa ibang bansa.
“Under the nursing curriculum with exit credentials, students could have several options: exit at the end of Level I or II, obtain the certificate or diploma in Nursing, or choose to continue and finish the four-year nursing program to become a registered nurse,”paliwanag ni De Vera.
Bukod dito inaayos na rin umano ng CHED ang flexible short-term masteral program para matugunan ang kakulangan ng mga instructors sa nursing and medical schools.
Ayon naman kay Health Officer-in-Charge Undersecretary Rosario Vergeire na pinag-aaralan na ng kanilang hanay ang panukalang Magna Carta for Public Health Care Workers at Philippine Nursing Act, kabilang ang pag-aaral sa standardization ng sahod ng mga nurse, doktor at iba pang health workers.— Mer Layson