Romualdez ‘caretaker’ sa distrito ni Teves
MANILA, Philippines — Inako ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang responsibilidad na pangalagaan ang interes ng ikatlong distrito ng Negros Oriental matapos na masuspinde si Rep. Arnolfo Teves na siyang kinatawan nito sa Kamara de Representantes.
Ito ay nakasaad sa Memorandum Order No. 19-017 na inilabas ng Kamara na may petsang Marso 23.
“In the interest of the people of the 3rd District of Negros Oriental, the undersigned shall act as the Legislative Caretaker of the 3rd District of Negros Oriental for the period 23 March 2023 to 22 May 2023. This order takes effect immediately,” sabi sa memorandum na pirmado ni Romualdez.
Si Speaker Romualdez ay magiging caretaker hanggang sa Mayo 22 o sa kabuuan ng 60 araw na suspensyon ni Teves.
Sinuspinde ng Kamara si Teves matapos na mabigong umuwi sa bansa kahit expired na ang travel authority nito.
Umalis ng bansa si Teves noong Pebrero para sa isang medical treatment sa Amerika. Umalis na ito ng Amerika subalit hindi umuwi sa Pilipinas.
Sinabi ni Teves na natatakot ito sa kanyang buhay kaya hindi ito umuwi.
Sa kabila ng pagtitiyak nina Speaker Romualdez at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na poproteksyunan si Teves ay tumanggi pa rin itong umuwi.
Idinadawit si Teves sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at sa 17 pang kaso ng pamamaslang sa lalawigan na ilang ulit na rin niyang pinasinungalingan.
Ang paglalagay ng caretaker sa isang distrito ay dati ng ginagawa ng Kamara kapag nawala ang isang miyembro nito sa iba’t ibang rason gaya ng pagkakatalaga sa Gabinete, suspensyon, o pagkasibak.
Ang Kongreso ay kasalukuyang naka-Lenten break hanggang sa Mayo 7.
- Latest