MANILA, Philippines — Inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P10 bilyong programa para matugunan at malutas ang problema sa malnutrisyon kasunod na rin ng ulat na tinatayang isang milyong bata ang ‘bansot’ sa Pilipinas.
Sa ilalim ng Philippine Multisectoral Nutrition Project na popondohan ng World Bank, ipapatupad ito sa 275 munisipalidad, 13 rehiyon at 29 probinsiya partikular sa mga lokal na pamahalaan na may mataas na bilang ng mga batang bansot o mga batang mas mababa sa edad na lima gayundin ng mga buntis at mga nagpapadedeng mga ina.
Pinili ang mga local government units (LGUs) na ito base sa ilang katangian o criteria tulad ng mataas na bilang ng mga batang bansot o nasa 17.5% at may mataas na antas ng kahirapan.
Hiningi rin ng Pangulo ang tulong ng Kongreso na gumawa ng batas at polisiya para masolusyunan ang malnutrisyon.
Base sa inilabas na Expanded National Nutrition Survey (ENNS), mataas ang insidente ng stunting o pagkabansot sa mga bata at iba pang isyung pangkalusugan dahil sa malnutrisyon.
Hindi rin umano ligtas sa malnutrisyon ang mga mamamayan na nagdudulot ng negatibong epekto sa kanilang kakayahan, academic performance, productivity at oportunidad na magkaroon ng hanapbuhay.
Ang Pilipinas din ay pang-69 mula sa 121 bansa na nasa global hunger index.