Rep. Teves itinuturing nang pugante! - DOJ

Negros Oriental 3rd District Cong. Arnolfo Teves Jr. holds a press conference with Atty. Ferdie Topacio in Pasig City on Thursday (January 12, 2023) to plead for his family's safety after receiving reports of an alleged police raid in his residence to seize evidence on his alleged connection to e-sabong.
STAR / File Michael Varcas

MANILA, Philippines — Itinuturing na ng Department of Justice (DOJ) na pugante si Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. kahit wala pang iniisyu na warrant of arrest ang korte laban dito.

Tugon ito ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla sa pahayag ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio na hindi masasabing pugante sa batas ang kaniyang kliyente dahil wala pang inilalabas na arrest order laban dito.

Sinabi ni Remulla na habang ang kasong multiple murder na isinampa kay Teves sa 2019 killings sa Negros Oriental at kasong illegal possession of firearms at explosives ay nasa lebel pa lang ng preliminary investigation, dahil hindi pa umuuwi ang kongresista ay maituturing nang isang pugante si Teves.

Ang kaso namang pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa ay nakatakdang isampa sa susunod na linggo.

Ayon kay Remulla, ang isang suspek sa krimen na nagtatago ay maituturing na pugante.

Malinaw aniya na ang patuloy na hindi pagharap ni Teves sa mga akusasyon laban sa kaniya ay pag-iwas sa batas.

Paliwanag pa ni Remulla, na wala pang inilalabas na arrest order laban kay Teves dahil sa sinusunod na due process kahit nagmimistulang mabagal ang usad ng kaso.

Sinabi pa ng kalihim na hindi basta maaaresto ang isang suspek dahil kailangang ibigay rito ang karapatan na idepensa ang sarili sa korte.

Nauna nang inihayag ng DOJ na isa si Teves sa umano’y “utak” sa deadly attack na ikinasawi ni Degamo at walong iba pa batay sa hawak nilang ebidensiya.

“The actions speak louder than words here. He’s not showing up. It just so happens that he is evading us or trying to evade the law,” wika ni Remulla.

Show comments