MANILA, Philippines — Nagbigay linaw ang Department of Health (DOH) patungkol sa kung anu-anong kumakalat na "dapat iwasan" tuwing sobrang init ng panahon — ang ilan dito, wala naman daw kasing basehan.
Kumakalat kasi ang ilang haka-hakang "sumasabog" ang ugat ng tao kapag uminom ng malamig na tubig tuwing 40°C ang temperatura. Maliban pa 'yan sa sabi-sabing "kailangang mag-antay ng 30 minutes" bago basain ang parte ng katawang nabilad sa araw.
Related Stories
"'Yung 'bawal 'na maligo o bawal dampian ng tubig for about 30 minutes, that's not true. Ang ginagawa nga ho natin... kinu-cool down natin ang kanyang katawan and ang most effective po diyaan ay mabigyan natin ng shower 'yung pasyente," ani DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa isang media forum, Martes.
"Basta conscious siya, kaya niya tumayo... Mabuhusan man lang siya ng tubig just so the body of the patient can cool down."
Ito ang paliwanag ni Vergeire ilang araw matapos magsimula ang tag-init o "hot dry season" na magdadala ng mas matataas na temperatura hanggang Mayo.
Kamakailan lang nang ianunsyo ng PAGASA ang posibilidad ng El Niño sa Hulyo na maaaring tumagal hanggang 2024. Tumutukoy ito sa pagtaas ng posibilidad ng "below-normal" rainfall conditions.
"Ito pong mga haka-haka na sinasabi 'bawal' nating painumin ng malamig na malamig na tubig ang isang taong nagsu-suffer ng ganitong kondisyon, it will depend on the status of the patient," dagdag pa ni Vergeire.
"If the patient is unconscious o wala pong malay, 'wag nating papainumin ng tubig. Pero kung conscious naman po siya, maaari po nating painumin ng malamig na tubig. Paunti-unti nga lamang."
"Physiologically, as a doctor, kapag tayo ay biglang umiinom ng malamig na tubig kapag galing tayo sa init, nagkakaroon po tayo ng changes doon sa ating blood vessels. And sometimes, this could cause headaches to the individuals."
Aniya, dapat lang iwasang painumin ng tubig ang taong nahimatay dahil sa init dahil sa maaari siyang mabilaukan na posibleng mauwi sa pagpasok ng tubig sa baga.
Heat stroke vs heat stress
Bagama't maraming naibabalitang kaso ng "heat stroke" sa ngayon, ipinaliwanag ng DOH official na meron pa itong levels: ang "heat stress" at "heat stroke."
Tumutukoy ang heat stress sa tuwing mangyayari sa'yo ang sumusunod tuwing mainit:
- pagkahilo
- init na init katawan
- atbp.
Maaaring heat stroke naman na raw ituring kapag direktang naaapektuhan na raw ng init ang organs ng katawan gaya ng:
- pagbilis ng tibok ng puso
- hirap sa paghinga
- pagkahimatay
Hindi pa naman daw nakololekta ng DOH ang kumpletong datos patungkol dito. Dagdag pa ni Vergeire, hindi pa pinaghihiwalay sa ngayon ng Philippine Statistics Authority ang datos ng heat stress at heat stroke sa ngayon at sa halip pinagsasama.
Heat stroke: Paano iiwasan, ano ang first aid?
Narito ang ilang payo ng DOH upang maiwasan ang kaso ng heat stroke o heat stress:
- pag-iwas lumabas mula 10 a.m. hanggang 4 p.m.
- magsuot ng sumbrero o payong kung hindi maiiwasang lumabas
- pag-inom nang maraming tubig, hindi bababa sa walong baso
- iwasang manatili sa sasakyan kapag mainit
- magdala nang maraming tubig at magpahinga kung mag-eehersisyo
Para sa mga taong tatamaan na ng "life threatening" heat stroke, maaari naman daw gawin ang sumusunod:
- tanggalin agad sa initan ang indibidwal
- bigyan ng espasyo para makaikot ang hangin
- kung nakabalot ang katawan ng damit, tanggalin, pero wag iwanang hubad
- pababain ang temperatura ng katawan ng biktima
"There are several ways that we can do this. Unang-una, 'yung iba, ginagawa nila nilalagyan nila ng cold packs 'yung pasyente... Meron silang hawak na bimpo na may yelo, dinadampi-dampian nila 'yung pasyente," dagdag pa ni Vergeire.
Huwebes lang nang umabot sa 104 estudyante sa Cabuyao, Laguna ang isinugod sa ospital matapos diumano ma-dehydrate habang nasa gitna ng pagkakasa ng isang surprise fire drill.
Lunes lang nang umabot sa 36.5°C sa Dagupan City, Pangasinan, ang pinakamainit na temperaturang naitala sa buong Pilipinas noong araw na 'yon, bagay na sinundan naman ito ang 36.3°C sa Subic, Zambales.