MANILA, Philippines — Iba’t ibang uri pa ng mga baril at pampasabog ang nahukay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa sugar mill ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves kamakalawa ng gabi sa Sta. Catalina, Negros Oriental.
Gamit ang backhoe, sinabi ni CIDG legal officer Col. Thomas Valmonte, nahukay sa lalim na 10 feet ang mga baril, daan-daang live ammunitions at tatlong improvised explosive devices.
Ayon kay Valmonte, itinuro ng witness ang lugar ng pinagbaunan ng mga baril at explosives.
“Itong witness na ‘to, kasama siya sa nagbaon. Siguro nga, they expected for the search so binaon nila ‘yon,” ani Valmonte.
Itinuturo rin aniya ng witness na si Teves ang nag-utos na ibaon ang mga baril.
Ang lahat ng ebidensiya na natagpuan at nakumpiska ay nasa 50 ektarya na pag-aari ni Henry Teves na tumatayong presidente ng korporasyon na HDJ Tolong.
Bunsod nito, nakikita ni Valmonte ang anggulo na terorismo sa pag-iimbak ng mga baril at pampasabog.
“’Yung pampasabog, actually, when you possess it, you are intending to use it, definitely, kasi ina-assemble ‘yan eh saka hindi naman biro ang bumili ng mga explosive powder so we are looking into angle of acts of terrorism here,” dagdag pa ni Valmonte.
Indikasyon din ito ng CTGs at iba pang terrorist group mula sa Central Mindanao.
Biyernes nang simulan ang pagsalakay sa bahay ni Teves sa bisa ng search warrant dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act.
Itinanggi naman ni Teves ang akusasyon sa pagsasabing mayroong 200 pamilya ang naninirahan sa loob ng compound. Magsasagawa rin siya ng internal investigation sa korporasyon.
Sinabi naman ni PNP Spokesman Col. Jean Fajardo, sasailalim sa cross matching at ballistics examinations ang mga nakumpiskang mga baril, bala at mga slugs.
“Napakarami na pong mga killings and shooting incidents na nangyari diyan sa probinsya ng Negros Oriental kaya magba-backtracking na po tayo ngayon,” ani Fajardo.
Hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy ang raid kung saan may nahukay pang mga baril sa ibang lugar.
Napatalsik si Teves matapos na paboran ng Commission on Elections (Comelec) ang pagkapanalo ni Gov. Roel Degamo noong May 2022 elections.