MANILA, Philippines — Umakyat na sa mahigit 172,928 residente sa Oriental Mindoro ang naapektuhan ng oil spill matapos na lumubog ang oil tanker na MT Princess sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Center (NDRRMC), malaki ang naging epekto ng paglubog ng MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel sa kabuhayan ng mga mangingisda at maging sa yamang dagat simula nang lumubog ito noong Pebrero 28.
Lumilitaw sa report ng NDRRMC na lubhang naapektuhan ang mga naninirahan sa MIMAROPA region na may 138,043; Western Visayas, 27,145 at 7,740 naman sa Calabarzon.
Nagdulot din ng sakit sa mga residente ang oil spill kung saan 206 katao ang nakaranas ng paninikip ng dibdib at tiyan, pagkahilo, pagsusuka, lagnat at sipon.
Patuloy naman ang isinasagawang monitoring ng NDRRMC sa mga residente upang agad na maayudahan kung kinakailangan.
Samantala, sinabi naman ng Philippine Coast Guard na nalinis na ang kumalat na langis sa Pola, Oriental Mindoro.
Anang PCG, walang langis na makikita sa karagatang sakop ng Pola, Oriental Mindoro.
Binigyan diin ng PCG na kumuha ng samples ng tubig sa siyam na barangay sa Pola at dalawa sa Naujan upang malamang kung kontaminado pa ng langis.