157th Malasakit Center, binuksan sa Cebu City
MANILA, Philippines — Nagmarka ng makabuluhang milestone si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa kanyang pagdalo sa paglulunsad ng ika-157 Malasakit Center sa Cebu City Medical Center.
Ang unang Malasakit Center ay naitatag din, 5 taon na ang nakalilipas sa parehong lungsod, sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC).
Binigyang-diin ni Go na ang kanyang pangako sa pagpapabuti sa sistema ng kalusugan ng bansa bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health ay nananatiling isa sa kanyang prayoridad.
Iginiit niya ang kahalagahan ng Malasakit Centers sa pampublikong pangkalusugan sa pamamagitan ng pag-aalok sa mga Pilipino ng mas maginhawa at mahusay na paraan upang makakuha ng tulong medikal mula sa gobyerno.
“Bilang chair po ng committee on health sa Senado, ‘yan po ang advocacy ko, health po. Kaya patuloy na prayoridad ko itong mga Malasakit Center,” sabi ni Go.
“Bakit natin papahirapan ang mga kapwa natin Pilipino? Pera naman po ninyo ‘yan, dapat po ibalik sa inyo sa pamamagitan ng mabilis at maayos na serbisyo. ‘Yan po ang Malasakit Center,” aniya.
Ang unang Malasakit Center ay inilunsad noong 2018, sa Cebu City rin. Mula noon, tumaas ang bilang ng Malasakit Centers sa 157 sa buong bansa at mahigit pitong milyong Pilipino sa ngayon ang natulungan na nito, ayon sa Department of Health.
Nilagdaan ni dating Pangulong Duterte ang Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019 noong 2019 na nagsabatas sa programa. Si Go ang pangunahing nag-akda at nag-sponsor ng panukala sa Senado.
- Latest