Presensya ng mga pulis at sundalo sa Masbate, pinadagdagan ni Pangulong Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Pinadagdagan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang presensya ng mga pulis at sundalo sa mga eskwelahan sa Masbate.
Ito’y matapos ang ginawang pag-atake ng mga miyembro ng New People’s Army sa Masbate noong nakaraang linggo.
Tiniyak ng Pangulo sa publiko na ginagawa ng mga awtoridad ang lahat ng paraan para hindi na makapaghasik ng terroristic activities ang komunistang grupo.
Bilang tugon sa utos ng Pangulo, agad na inatasan ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr. ang mga tauhan ng 9th Infantry Division (ID) ng Philippine Army at Philippine National Police’s (PNP) Regional Command sa Bicol na magpulong sa Camp Ola sa Legazpi City.
Agad na pinaigting ng Philippine Army at PNP ang operasyon laban sa mga rebelde.
Pinakilos na ng mga awtoridad ang quick reactions teams na agad na tutugon sa pangangailangan ng mga estudyante, guro at mga residente sa Masbate.
“School officials were also briefed on how to react appropriately to a similar situation involving firefights or IED incidents in areas with close proximity to learning institutions,” pahayag ni Galvez.
Ayon kay Galvez, kaya nagsasagawa ng mga pag-atake ang NPA dahil nalalapit na ang kanilang anibersaryo sa Marso 29.
Sinuspinde na muna ngayon ang face-to-face classes sa Masbate hanggat hindi bumabalik sa normal ang sitwasyon.
- Latest