^

Bansa

Gov't workers iginiit regularisasyon ng 700,000 kontraktwal sa pamahalaan

James Relativo - Philstar.com
Gov't workers iginiit regularisasyon ng 700,000 kontraktwal sa pamahalaan
Sa larawang ito na ipinaskil ng Courage sa kanilang Facebook page, dumalo ang ilang kasapi ng grupo sa isang mobilisasyon para sa International Women's Day noong Marso 8, 2023.
Courage National Office Facebook page

MANILA, Philippines — Nagkasa ng isang "lunchtime protest" action ang ilang manggagawang kontraktwal ng gobyerno sa tapat ng Department of Budget of Managenent (DBM) sa Maynila, Biyernes, para ibasura ang ilang polisiyang nagpapalala raw sa kanilang hinaing — sa halip, regularisasyon sa 700,000 kabaro gamit ang batas o aksyong ehekutibo ang kanilang panawagan.

Pinangunahan ng Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon (Kalakon) at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang pagkilos habang inirerrehistro ang disgusto nila sa Joint Circular No. 2 S. 2020 ng DBM at Commission on Audit, bagay na magreresulta raw sa kanilang pagiging sub-contractual workers ng gobyerno sa pamamagitan ng third-party manpower agencies.

"This administration should fill up vacant positions in government which now number to 169,688 according to the DBM and use the positions for the regularization of contractual workers, as President Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr promised at the beginning of his term," ani Roxanne Fernandez, tagapagsalita ng Kalakon.

Bukod pa riyan, inirereklamo nila ang mga polisiya gaya ng devolution, privatization at "rightsizing" ng gobyerno na magreresulta raw sa mass layoffs lalo na sa hanay ng mga kontraktwal, job order at contract of service workers.

Parte ng pangako ni Marcos Jr. habang tumatakbo sa pagkapangulo na gawing prayoridad ang security of tenure para sa mga manggagawang walang kapanatagan sa trabaho.

Sa kabila nito, wala pa raw siyang plano sa ngayon na tapusin ang kontraktwalisasyon para sa lahat dahil sa meron daw talagang mga "seasonal jobs."

Ang panawagan ng Kalakon at Courage ay ginagawa ilang araw matapos maghain ng P530 wage increase petition ang ilang labor groups sa National Capital Region upang itaas ang minimum na sahod sa P1,100 kada araw, bagay na kailangan na raw dahil sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Bukod pa 'yan sa House Bill 7566 ni Gabriela Women's Party Rep. Arlene Brosas na layong dagdagan ng P750 ang arawang minimum wage sa buong Pilipinas para mapunan ng mga nasa pribadong sektor ang kulang sa sahod para maabot ang family living wage.

"Many government workers particularly those on the low salary pay scale are already deep in debt because of rising inflation and yet our incomes continue to be pegged below living wage levels, our jobs continue to be threatened and our rights to freedom of association continue to be violated," wika naman ni Courage secretary general Manuel Baclagon.

Aniya, frustrated na sila sa "kawalan ng aksyon" ni Bongbong pagdating sa salary increase, regularisasyon at pagrespeto sa karapatang mag-unyon.

Nananawagan ngayon ang dalawang grupo kay Marcos Jr. na gumawa ng positibong aksyon pagdating sa mga mungkahi ng International Labor Organization High Level Tripartite Meeting nitong Enero sa Pilipinas, bagay na tumutugon sa hinaing ng public esctor union workers gaya ng freedom of association at kontraktwalisasyon. 

COURAGE

KONTRAKTWALISASYON

RIGHTSIZING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with