MANILA, Philippines — Asahan nang higit pang mapapalapit ngayon sa komunidad at bawat pamilyang Pilipino ang nangungunang pahayagang tagalog sa ating bansa, ang Pilipino Star Ngayon (PSN).
Ayon kay Ms. Edna V. Abong, Advertising Manager ng PSN, ngayong taon ay tinututukan nila ang pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad sa mga kanayunan.
Sa katunayan, punong-puno aniya ang kanilang kalendaryo ngayong taon ng iba’t ibang mga aktibidad.
Paliwanag niya, noong kasagsagan ng panahon ng pandemya ng COVID-19, nagsagawa sila ng mga digital webinars hinggil sa mga maiinit na isyu, na makapagbibigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon sa mga mamamayan, kahit pa nagpapatupad ng paghihigpit o restriksiyon ang pamahalaan.
Ngunit ngayon aniyang nagluwag na ang pamahalaan at malaya na muling makalabas ang mga mamamayan, nagsasagawa na rin sila ng face-to-face seminars upang mas mailapit pa sa puso ng bawat Pilipino ang PSN.
“So, this year, our calendar is full of events. We’re now on event activation.Because in the past two years, because of the pandemic, we’ve been mounting mga digital webinars,” ani Abong.
“But we bring this webinars on the ground now to reach our readers and our supporters,” saad ni Abong. “Para mas intimate, kasi face-to- face ito.”
Aniya, kada buwan ay mayroon silang mga aktibidad, gaya ng ‘Wais sa Kuwarta,” kung saan, nakikipag-partner aniya sila sa mga local government units (LGUs) upang maging mas matagumpay ang naturang aktibidad at higit pang makapaghatid ng tuwa at saya sa mga mambabasa.
Ang unang bahagi aniya nito ay isinagawa sa Quezon City, sa Distrito 2, na personal pang dinaluhan ni Konsehal Mikey Belmonte.
Ang ikalawang bahagi naman aniya nito ay isasagawa rin sa Quezon City, sa distritong sakop naman ni Cong. Arjo Atayde.
Sinabi pa ni Abong na inilunsad rin nila ang programang Pista sa Nayon, tulad ng Pahiyas sa Lukban, at sa Los Baños, Laguna.
Isa pa aniya sa kanilang pinaghahandaan sa ngayon ay ang pagdaraos ng health webinars sa Agosto upang makapagbigay ng gabay at impormasyon sa tamang pangangalaga ng ating kalusugan.
Ipinagmalaki rin naman ni Abong na naging matagumpay ang unang bahagi ng kanilang iba’t ibang proyekto dahil sa direkta ring partisipasyon ng kanilang mga tagasubaybay sa tulong na rin ng kanilang mga sponsor sa pangunguna ng Globe at PLDT.
Nangako rin naman si Abong na marami pang dapat na asahan ang mga tagasubaybay ng PSN mula sa pahayagan, na iaanunsiyo nila sa mga susunod na araw
Tiniyak pa niya na patuloy silang magsasagawa ng mga programa at aktibidad na magiging kapaki-pakinabang sa publiko.
Binigyang-diin naman ni Abong na ang mga proyektong ito ang ilan lamang sa mga dahilan kung bakit nananatiling numero uno ang PSN sa puso ng mga mamamayang Pilipino.