Enrile, itinulak magkaroon ng nuke weapons ang Pinas

Sa pagharap ni Enrile sa pagdinig ng Senado patungkol sa Constitutional Convention (ConCon) na paraan ng pag-amyenda sa 1987 Constitution, sinabi niyang makabubuting magkaroon ang Pilipinas ng nuclear weapons upang hindi tayo niyuyurakan at hindi maging tuta o alipin ng ibang bansa.
STAR/File

MANILA, Philippines — Iminungkahi ni dating Senate President at ngayo’y Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na tanggalin na ang probisyon sa Konstitusyon na nagbabawal sa pagkakaroon ng bansa ng nuclear weapons.

Sa pagharap ni Enrile sa pagdinig ng Senado patungkol sa Constitutional Convention (ConCon) na paraan ng pag-amyenda sa 1987 Constitution, sinabi niyang makabubuting magkaroon ang Pilipinas ng nuclear weapons upang hindi tayo niyuyurakan at hindi maging tuta o alipin ng ibang bansa.

Sa modernong panahon umano ay maituturing na proteksyon sa mga maliliit na bansa ang pagkakaroon ng sariling nuclear na armas.

Kung natuloy lamang umano ang pagpapagawa ng Bataan Nuclear Power Plant ay mas nauna pa sana tayo sa Iran at sa North Korea na magkaroon ng nuclear weapon at tiyak na hindi sana tayo ngayon inaapi ng ibang bansa.

Pabor naman si Enrile na amyendahan sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConAss) ang mahigpit na economic provisions ng Konstitusyon nang sa gayon ay makapasok na nang husto ang mga dayuhang mamumuhunan.

Inaayawan ni Enrile ang ConCon ng Kamara dahil malaki ang gagastusin ng gobyerno sa mga delegado, opisina at mga staff.

Show comments