Pabahay para sa mga guro, lalarga sa Quezon City

Ito’y matapos ang isinagawang groundbreaking ceremony ng 12 palapag na residential building sa Barangay Holy Spirit Quezon City na pakikinabangan ng mga guro at non-teaching staff sa lungsod.
STAR/File

MANILA, Philippines — Matutupad na ang pangarap ng mga pampublikong guro sa Quezon City na magkaroon ng sariling tahanan.

Ito’y matapos ang isinagawang groundbreaking ceremony ng 12 palapag na residential building sa Barangay Holy Spirit Quezon City na pakikinabangan ng mga guro at non-teaching staff sa lungsod.

Panauhing pandangal sa aktibidad sina Vice President Sara Duterte, Quezon City Mayor Joy Belmonte, dating Pangulo at ngayo’y Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, NHA General Manager Joeben Tai at PCSO General Manager Mel Robles.

Ang gusali ay magkakaroon ng 144 units at ang bawat silid ay may sukat na 27 square meters.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni VP Sara na batay sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, karaniwang dahilan ng kawalan ng sariling tirahan ng mga Pinoy ay ang malaking halaga ng pabahay na hindi abot-kaya ng budget.

Anya sa katunayan, hindi  kayang magkaroon ng bahay ng mga guro  na ang presyo ay 30 percent ng kanilang kita kaya mas prayoridad na lamang gastusan ng mga ito ang pagkain at iba pang pangangailangan ng pamilya.

Aminado rin si Duterte  na itinuturing nila na benchmark ang Quezon City noong alkalde pa lamang siya ng Davao dahil hindi nila ito maungusan sa pagkakaloob ng pabahay sa informal settler families.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni QC Mayor Belmonte na kwalipikado at karapat-dapat ang mga magiging benepisyaryo ng programang pabahay.

Makaraan nito, dumalo si VP Sara sa selebrasyon ng National Women’s Month sa Quezon City Police District.

Show comments