191 katao nagkasakit na sa Oriental Mindoro oil spill; DOJ nais may maparusahan
MANILA, Philippines — Halos 200 katao na ang dinapuan ng karamdaman kaugnay ng oil spill dala ng paglubog ng MT Princes Empress malapit sa Oriental Mindoro, sabi ng Department of Health.
"Last week we had a total of around 176 cases. Ngayon po, meron na tayong a total of 191 cases. So may 14 pong nadagdag. Ang atin pong dates of collection of data is from March 2 to 20 of 2023," ani Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, Martes, kanina sa isang pahayag.
"Ito pong mga kaso ay pareho pa rin. Unang-una pa rin po sa listahan natin 'yung mga nakararanas ng respiratory symptoms, 'yung iba po nakaranas ng pagkahilo, 'yung iba nakaroon ng masakit ang tiyan, and 'yung iba nangangati ang kanilang balat o meron silang dermatoligical signs and symptoms."
Sa kabutihang palad, 101 na sa kanila ang gumaling na mula sa kanilang mga sintomas habang sumasailalim naman sa patuloy na pagbabantay ang mga masasama pa rin ang pakiramdam magpahanggang ngayon.
Iisa pa lang sa ngayon ang sinsasabing naging malubha at naospital: Isang kaso noong mga unang linggo kung saan lumala ng pagkalat ng langis ang kanyang hika.
Nagsasagawa naman na raw ng air quality monitoring at pagsusuri ng tubig sa ngayon, pati na ang pagtatapon at pag-aaral ng nakokolektang langis mula sa baybaying dagat. Ayon sa DOH, gagamitin ito upang mapaigting pa ang kanilang pagtugon sa krisis.
Apektado lumobo sa 151,463
Lunes lang nang sabihin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na pumalo na sa 151,463 katao ang nasasalanta ng pagkalat ng langis sa karagatan, bagay na nakapaminsala na raw ng 189 katao — mga numerong mas kaunti kaysa sa bilang ng DOH.
Sinasabing umabot na sa 13,654 mangingisda/magsasaka na ang napinsala ng nabanggit na siyang nagdulot na ng P3.85 milyong halaga ng agricultural damage.
Samantala, nakapagbigay naman na ng P75.3 milyong ayuda sa mga nasabing lugar sa porma ng gamot, pagkain atbp.
"Halimbawa tayo po ay... nabahiran tayo sa ating mga balat nitong langis na atin pong nililinis maaari... ang unang-una po nating gagawin ay hugasan ito ng sabon at tska ng tubig maigi. At tsaka pagkatapos siyempre oobserbahan natin kung magkakaroon ng mga pamumula, o 'di kaya pangangati, o 'di kaya magkabutlig-butlig 'yung ating balat na apektado nito pong oil na nadikitan kayo," sabi pa ni Vergeire.
"Pangalawa... after niyong malinis at maobserbahan, 'pag nakita niyo na parang kumakalat 'yung kati-kati o 'yung pamumula, kailangan na nating sumangguni sa ating mga doktor."
Magandang dumiretso na rin daw sa healthcare professionals ang mga makararamdam ng pagkahilo at kahirapang huminga dahil sa pagkalanghap ng langis dahil dapat daw itong agad mabantayan at malapatan ng lunas.
Kasong kriminal?
Kanina lang nang sabihin i Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na dapat magkaroon ng kriminal na pananagutan ang ilang katao dahil sa paglubog ng MT Princess Empress, ito matapos maglabas ng Department of Justice ng subpoena para sa mga dokumentong kailangan nito habang nagsisimula ng case build-up.
Binanggit niya ito matapos niyang bisitahin ang Pola, Oriental mindoro kung saan personal niyang nakita ang sitwasyon ng mga komunidad.
Tinawagan naman na raw ni Remulla ang Maritime Industry Authority upang magpakita sa tanggapan ng DOJ sa Huwebes matapos nitong simulan ang imbestigasyon sa ahensya.
Lunes lang nang sabihin ng Philippine Coast Guard na umabot na ang oil spill sa baybayin ng Isla Verde sa kahabaan ng marine biodiversity-rich Verde Island Passage. Ang naturang lugar ay kinikilala ng mga dalubhasa bilang sentro ng marine biodiversity ng mundo.
- Latest