Mga manggagawa nagpetisyon gawing P1,100/araw ang minimum wage sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Naghain ng P530-wage increase petition ang sari-saring manggagawa't labor groups sa National Capital Region sa gitna ng mabilis pa ring pagtaas ng presyo ng bilihin, dahilan para maitaas ang arawang sahod sa minimum na P1,100 kada araw.
Inihain ng mga labor groups sa ilalim ng Unity for Wage Increase Now! (UWIN), Martes, ang naturang hiling sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board - NCR. Sa kanilang petisyon, maglalapit sa kasalukuyang P570 NCR minimum wage patungo sa P1,161 family living wage o 'yung arawang sahod na kinakailangan para sa "disenteng" pamumuhay ng pamilyang lima ang miyembro.
"Ang demand po naming mga manggagawa ay family living wage. Paulit-ulit naman po ang [National Economic and Development Authority] sa pagmamalaki na bumibilis ang paglago ng ekonomya," wika ni Duds Gerodias, presidente ng Association of Democratic Labor Organizations (ADLO), isa sa mga grupong nag-convene sa UWIN.
"Kung gayon, makatwiran na makatanggap kami ng bahagi ng bunga ng aming araw-araw na pagkayod. Nakabangon na ang Top 1000 corporations, pero kami lugmok pa rin. Akala ba namin sama-samang babangon muli?"
Pebrero 2023 lang nang maitala ang 8.6% inflation rate sa Pilipinas, bagay na, kahit bumagal ng konti kumpara noong Enero, ay halos triple pa rin kumpara sa mga numero noong parehong panahon ng 2022. Dahil sa pagtaas ng bilihin habang pareho ang sahod, lumiliit nang lumiliit ang tunay na halaga ng "take home pay."
Kamakailan lang nang ihain ng Makabayan bloc sa pangunguna ni Gabriela Women's Party Rep. Arlene Brosas ang House Bill 7566 na layong dagdagan ng P750 ang arawang minimum wage sa buong Pilipinas para mapunan ang kulang sa sahod para maabot ang family living wage.
Naghain din ng kahalintulad na panukala si Senate President Juan Miguel Zubiri sa porma ng Senate Bill 2002, na planong dagdagan ng P150 ang daily minimum wage "across the board" sa pribadong sektor.
Kaya ba 'yan? Hindi ba malulugi negosyo?
Tutol ang Employers Confederation of the Philippines sa malaking umento sa sahod sa dahilang posibleng magtaas daw ng singil o "mapilitang" magtanggal ng manggagawa ang micro and small at enterprises na bumubuo sa 98% ng mga negosyo.
Pero sa tingin ng UWIN, kayang-kaya itong gawin at kinakailangan na laban sa krisis pang-ekonomiya.
"Tuluy-tuloy po ang aming pagkakampanya at pakikipagkaisa sa mga manggagawa sa NCR at sa buong bayan. Habang di na natutugunan ang aming panawagan, patuloy na mangangalampag ang uring manggagawa," dagdag pa ni Gerodias.
"Walong buwan nang nakaupo si [Pangulong Bongbong Marcos]. Pero dedma sa aming mga hinaing. Ang hamon namin sa Pangulo, wakasan na ang barya-baryang minimum. Kilos-kilos din! Family living wage sa lahat ng manggagawa, ngayon na!"
Una nang sinabi ng Gabriela Women's Party na layunin ng kanilang HB 7566 na magpatupad ng isang wage subsidy program na pangungunahan ng gobyerno upang makasunod ang micro and small enterprises sa pagpapasahod ng tama na alinsunod sa iminumungkahi nilang wage increase.
Makikinabang din daw ang mga negosyo rito lalo na't gagamitin din daw ng mga manggagawa pambili ng pagkain at iba pang pangangailangan ang itataas ng sahod.
- Latest