Romualdez, Zubiri ‘ceasefire’ muna sa Cha-cha
MANILA, Philippines — Nagkausap na sa telepono sina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Juan Miguel Zubiri hinggil sa isinusulong na Charter change (Cha-cha).
Ito’y sa gitna na rin ng namuong ‘word war’ sa pagitan ng ilang mambabatas ng Kamara at Senado hinggil sa usapin ng Cha-cha.
“I had the privilege of talking with the Senate President over the phone and we conversed briefly on the topic of Constitutional reforms,” pahayag ni Romualdez.
Sinabi ni Romualdez na tiniyak sa kaniya ni Zubiri na magiging bukas sa isyu ng isinusulong na amyenda sa 37 taon ng charter ng bansa partikular na sa mahigpit na probisyon sa ekonomiya.
Bunsod nito ay umaasa si Speaker Romualdez na katulad ni SP Zubiri ay magiging bukas na rin ang ibang mga senador na ireporma ang mga restrictive economic provisions sa ating saligang batas.
Binanggit ni Romualdez na base sa pahayag ni Zubiri ay inaantabayanan ng Senado ang magiging report ukol sa panukalang ChaCha ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na pinamumunuan ni Sen. Robinhood Padilla.
Sinabi ni Romualdez na ipinarating sa kaniya ng Senate President na ilan sa kaniyang mga kasamahang Senador ay pinagninilayan pa ang isyu ng Cha-cha.
Umaasa si Romualdez na tulad ni Zubiri ay magiging bukas din ang isip ng iba pang mga senador sa pag-amyenda sa mahigpit na probisyon sa ekonomiya ng Saligang Batas na naglalayong makahikayat ng dayuhang pamumuhuan sa bansa, lumikha ng trabaho para sa mga Pilipino at mapondohan ang anti-poor program project ng pamahalaan. — Gemma Garcia
- Latest