MANILA, Philippines — Umabot na sa karagatan ng dalawang barangay ng Isla Verde sa Batangas ang oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon kay Capt. Victorino Acosta, hepe ng Philippine Coast Guard-Batangas, bago mag alas-8 ng umaga kahapon nang mamataan ng mga mangingisda at mga tauhan ng PCG-Batangas ang lumulutang na mga bakas ng langis sa karagatang sakop ng mga Barangay San Agapito at Barangay San Agustin ng Isla Verde.
Agad na nagsagawa ng pangongolekta ng langis ang mga residente kasama ang mga tauhan ng PCG para maiwasan na ang pagkalat ng langis sa naturang lugar.
Naglatag na rin ng improvised spill boom gawa sa coconut husk at empty plastic bottle sa piligid ng dalampasigan para masala ang mga langis.
Patuloy pa nilang inaalam ang haba ng oil spill sa baybayin ng Verde Island habang binabantayan din ang baybayin ng isang lugar sa Batangas kabilang ang San Juan, Tingloy, Lobo at Calatagan.
Matagal na rin naman umanong nakapaghanda ang probinsya sa oras na umabot ang oil spill sa kanila sa paglalagay kaagad ng mga oil spill booms at iba pang equipments.
Wala pa namang inilalabas na ‘fishing ban’ sa Batangas habang hindi pa apektado ang biyahe ng mga ‘Ro-Ro’.
Una nang sinabi ng University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI) na maaaring umabot ang oil spill sa Batangas at Puerto Galera dahil sa paghina ng ihip ng Northeast Monsoon o Amihan.
Patuloy pa rin naman ang clean up operations ng PCG na nakakolekta nitong Linggo ng nasa 7,000 litro ng ‘oily mixture’ sa karagatan. Nakakolekta rin sila ng 2,000 sako ng ‘oil-contaminated materials’, at 22 drum ng oil debris at asura mula sa 13 barangay ng Oriental Mindoro. — Danilo Garcia