Senate bill vs ‘no permit, no exam’ lusot na

MANILA, Philippines — Pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Senado ang panukala na nagbabawal sa “no permit, no exam” policy at suspensyon sa pagbabayad ng student loans sa panahon ng kalamidad at national emergencies.

Sa ginanap na botohan, 22 senador ang pumabor sa Senate Bill (SB) No. 1359 o ang “No permit, No exam Prohibition Act at SB No. 1864 o Student Loan Payment Moratorium During Di­sasters and Emergencies Act.

Layon ng SB 1359 na ipagbawal ang ‘No Permit, No Exam’ rule at hindi payagan ang anumang polisiya na nagbabawal sa mga estudyante na kumuha ng educational assessments dahil sa hindi pa bayad ang kanilang matrikula at ibang bayarin sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Nakasaad din na hindi dapat pilitin ang mga estudyante at kanilang magulang o legal guardian na bayaran ang bahagi ng kanilang outstanding financial obligation.

Sa ilalim naman ng panukala, hinihikayat nito na ipatupad ang ibang interbensyon tulad ng hindi pagbibigay ng diploma o certificates, hindi payagang i-admit o makapag-enroll sa susunod na taon o semester, pagtanggi sa pag-isyu ng clearance at maglatag ng settlement sa utang sa pamamagitan ng legal action.

Samantala, ang SBN 1864 ay magbibigay ng pahinga sa mga estudyante sa kolehiyo sa pagbabayad ng kanilang financial obligation sa paaralan sa panahon na mayroong deklarasyon ng national local state of calamity sa kanilang lugar.

Ang moratorium ay epektibo sa panahon ng state of calamity o emergency at 30 araw matapos ang pag-alis nito. Sa panahong ito, walang penalty o interest na kokolektahin sa deferred payments ng mga estudyante.

Show comments