Teves, patalsikin sa House!

A photo of Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Governor Roel Ragay Degamo's Facebook page

Hirit ng biyuda ni Degamo

MANILA, Philippines — Pinatatalsik ni Pamplona Mayor Janice Degamo, biyuda ni da­ting Negros Oriental Governor Roel Degamo, si Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo Teves, Jr.

Ayon sa alkalde, may isinumite na silang apela sa Kongreso upang tanggaling mi­yembro ng Kamara si Teves.

“Meron pa po ka­ming ibang sinusulong sa Kongreso. Sana suportahan din ng Kongreso ‘yung amin talagang nire-request.” anang alkalde.

Sinabi ni Mayor Ja­nice na suportado rin niya ang panawagan ng mga mambabatas sa pagpapauwi sa Pilipinas kay Teves upang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya partikular ang pagpatay sa gobernador.

Si Teves ay itinuro ng dalawang naarestong suspek na sina Joric Labrador at Benjie Rodriguez, kapwa mga dating sundalo na isang nagngangalang Teves ang umano’y nag-utos sa kanila na likidahin si Governor Degamo.

Napatay si Degamo sa kanyang bahay sa Brgy. San Isidro, Pamplona, Negros Oriental noong Marso 4 habang namamahagi ng 4Ps.  Bukod sa gobernador walong iba pa ang namatay at 17 ang sugatan.

Mariin namang itinanggi ni Teves ang mga alegasyon.

Magkatunggali sa pulitika ang mga Degamo at Teves.

Samantala, sinabi naman ng Philippine National Police na wala pa ring paramdam sa kanila si Teves para sa pagbibigay nila ng seguridad sa pagbabalik nito sa bansa.

Tiniyak ng PNP na handa silang ibigay ang nararapat na seguridad kay Teves.

Pebrero 28 nang umalis sa bansa si Teves at hanggang Marso 9 lamang ang bakasyon nito.

Hanggang sa nga­yon hindi pa bumabalik ng bansa ang kongresista.

Show comments