Proyekto ng Duterte admin itutuloy ni Pangulong Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Itutuloy ng administrasyong Marcos ang ilang proyekto na nasimulan ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Marcos, ito ay dahil nakita niya ang bunga ng ilan sa mga proyekto ni Duterte na flagship infrastructure program nitong mga unang araw ng Marso.
Lumalabas na sa 194 infrastructure projects na nagkakahalaga ng P9 trillion, nasa 70 ang mula sa administrasyong Duterte.
“Mayroon tayo minsang ugali dito sa Pilipinas at sa ibang lugar din na kapag nagbago ang administrasyon, ang pag-iisip ay lahat noong ginawa ng dating administrasyon ay tinitigil dahil sinasabi na walang magandang nangyari,” sabi ng Pangulo.
“Hindi tama ‘yun… Hindi iyan ang pag-iisip na magdadala sa atin sa isang bagong Pilipinas,” wika niya.
“Kung masusi naman ang pag-aaral at talagang may pakinabang ay talagang dapat ituloy,” dagdag pa ng Pangulo.
Kabilang umano sa mga proyektong ito ang transportation infrastructure, digital connectivity, flood control, health-related initiatives, power, energy, at iba pa.
Umaasa rin ang Pangulo na ang public infrastructure projects ay makakatulong sa pagresolba sa pagsisikip sa daloy ng trapiko sa Metro Manila at pagbuti sa connectivity sa mga lalawigan at mapataas ang food security sa bansa at ang isyu ng impact ng climate change.
Sa pamamagitan din umano ng mga bagong proyekto at mapapataas ang employment sa bansa.
Lumalabas sa datos ng Philippine Statistics Authority na mayroong 2.37 million Filipino ang walang trabaho nitong Enero kumpara sa 2.22 million noong December 2022.
- Latest