MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon ang isang grupo ng mga guro sa pamahalaan na tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Chairperson Vladimer Quetua, dapat na paglaanan ng pamahalaan ng mas malaking pondo ang sektor ng edukasyon.
Binigyang-diin ni Quetua na malaki naman ang pondo para sa ‘Build Better More infrastructure program’ na aabot sa P1.2 trilyon kada taon habang ang pagpapatayo ng mga silid-aralan ay mangangailangan lamang ng pondong P15.6 bilyon.
Sinabi ni Quetua na sa halip na magtayo ng mas maraming tulay, paliparan at mga daungan, dapat na magpokus ang pamahalaan sa pagpapatayo ng may 165,000 silid-aralan, na kailangang-kailangan ng mga mag-aaral.
Nagbigay rin naman siya ng reaksiyon sa pahayag ng Department of Education na naghahanap ito ng foreign at private funding upang resolbahin ang isyu, at sinabing ang pondo ay dapat na magmula sa buwis ng mga mamamayan, na pangunahing inilalaan para sa mga ganitong serbisyo.