P1 milyong cash gift sa Pinoy na aabot sa edad 101

Sa ilalim ng House Bill (HB) 7535, tatanggap ng P1 milyong cash gift at liham ng pagbati mula sa Pangulo ng Pilipinas ang mga Filipino na sumapit na sa kanilang ika-101 kaarawan.
STAR / Miguel De Guzman / File

MANILA, Philippines — Isinumite na ng Special Committee on Senior Citizens sa Kongreso ang panukalang pagkalooban ng P1 milyong cash gift ang mga Pilipino na aabot sa 101 taong gulang.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 7535, tatanggap ng P1 milyong cash gift at liham ng pagbati mula sa Pangulo ng Pilipinas ang mga Filipino na sumapit na sa kanilang ika-101 kaarawan.

“This is 10 times the P100,000 cash benefit that the Centenarians Act of 2016 provides to Filipinos who reach the age of 100,” ayon kay Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes, chairman ng Special Committee on Senior Citizens na pangunahing nagsusulong ng panukala.

Nakapaloob din sa HB 7535 na ang mga Pinoy na sasapit sa gulang na 80, 85, 90 at 95-anyos ay makakatanggap din ng liham mula sa Pangulo ng Pilipinas at cash gift na P25,000.

Sa kasalukuyan, nakakatanggap ng P100,000 cash gift ang mga Pinoy na nasa edad 100 taong gulang.

Umaasa si Ordanes na malaki ang maitutulong nito para sa mga nonagenarians at octogenarians na makapagsaya pa sa nasabing benepisyo ng cash gift habang malakas at malusog pa ang mga ito.

Noong Setyembre 2022 ay inihayag ng Department of Social Welfare and Administration (DSWD) na may 700 pang centenarians ang naghihintay ng kanilang cash gift.

Magugunita na inaprubahan sa Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang nagkakaloob ng P1M sa mga Pilipinong sumapit na sa 101 taong gulang.

Show comments