Dismayado sa paglitaw uli ng ‘ninja cops’
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkadismaya si Senator Christopher “Bong” Go sa muling paglitaw ng salot na “ninja cops” kasabay ng panawagan sa mga awtoridad na dapat nang matuldukan ang illegal drugs recycling na ginagawa ng mga tiwaling pulis at ang pamimigay ng mga nahuling droga bilang reward sa mga alagang impormante.
Ayon kay Go, dapat resolbahin ng mga awtoridad ang ulat na ang mga tauhan ng pulisya ay nagbibigay ng droga sa mga impormante bilang pabuya habang ang “ninja cops” ay sangkot sa muling pagbebenta ng mga nakumpiskang illegal drugs.
Sa panayam matapos tumulong sa mga mahihirap na pamilya sa bayan ng Romblon, Romblon, sinabi ni Go na ang muling paglitaw ng “ninja cops” ay isang “setback” sa mga sakripisyong ginawa ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para labanan ang iligal na droga at kriminalidad sa bansa.
“Ayoko pong masayang ang inumpisahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na labanan po ang iligal na droga, labanan ang kriminalidad,” sabi ni Go.
Sinabi ni Go na nagdulot na naman ng takot sa mamamayan ang isyu at idinagdag na kung magpapatuloy ang problema, masisira ang mga pamilya at marami na namang mabibiktima ng droga.
Ayon sa senador, kung mamamayagpag uli ang “ninja cops” at kakalat ang kahit ilang porsiyento ng recycled drugs ay maraming buhay at pamilya ang masisira.
Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs noong Marso 15, kinuwestyon sina Police Senior Master Sergeant Jerrywin Rebosora at Police Master Sergeant Lorenzo Catarata hinggil sa pagkawala ng 42 kilo ng shabu na nasamsam sa isang operasyon noong Oktubre.
Ang mga pulis ay na-contempt dahil sa hindi pagkakatugma ng kanilang mga pahayag. Sa isang pagdinig sa House of Representatives noong araw ding iyon, ibinunyag ng House committee on dangerous drugs na 30% lang ng mga nakukumpiskang droga ang idinedeklara ng “ninja cops” at kanilang mga impormante habang ang iba ay nire-recycle at ibinebenta.
Binigyang-diin ni Go na hindi dapat pabayaan ang muling pagbebenta ng iligal na droga at dapat panagutin ang mga sangkot sa gawaing ito.