^

Bansa

PSNgayon: Diyaryo ng mga OFW

Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Ilang dekada na ang nakakaraan, nagkaroon ng isang maliit na pen pal section ang Pilipino Star Ngayon. (PSN) Ito ang seksyon para sa mga tao  na naghahanap ng bagong kaibigan o karelasyon o makakasama sa buhay. Panahon iyon na hindi pa uso ang internet, social media, video call, smartphone at tablet. Tumagal din ng mara­ming taon ang seksyon na ito dahil tinangkilik ng napakaraming mambabasa ng PSN at kabilang dito ang mga Overseas Filipino worker. Merong nagmumula halimbawa sa Saudi Arabia at Hong Kong na mahihiwatigan sa mga sulat na dumara­ting sa desk ng editor ng Libangan page ng PSN.

Kabilang ang PSN sa naging sandalan ng mga OFW sa kanilang pangungulila sa ibang bansa. Isang malakas na pruweba na nababasa rin ang pahayagang ito sa ibang bahagi ng  mundo. Maging ang tanyag na seksyon ni Dr. Love sa PSN ay nakakatanggap ng mga sulat mula sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa ibayong-dagat na humihingi ng payo para sa kanilang mga problema sa buhay.

Wala na ngayon iyong pen pal section dahil sa hindi maiwasang mga ibayong pagbabago at pagpapaunlad sa mga pahina ng PSN sa pagdaan ng mahabang panahon pero, dahil patuloy pa ring nakakarating sa ibayong-dagat ang pahayagang ito, nananatili ang kaugnayan ng PSN sa mga OFW. Nariyan pa rin si Dr. Love na kanila pa ring natutunghayan at maraming pagkakataong ang opinyon section ay nakakatanggap ng mga sulat mula sa mga Pinoy sa ibang bansa na gustong magpaabot ng kanilang mga komento o kuro-kuro sa iba’t ibang isyu. Nang magkaroon ng website ang PSN sa pamamagitan ng PhilStar, bumabaha sa mga comment section ang mga mensahe ng maraming OFW na nagbibigay ng reaksyon sa mga balita at lathalain sa Bansa, Metro, Probinsiya, Opinion, Libangan, Showbiz at Sports page ng PSN. Kaya, print o online edition man, tuluy-tuloy ang ugnayan ng PSN at ng mga OFW.

Umigting pa ang ugnayang ito nang lumabas noong Mayo 2010 ang Middle East edition ng PSN na nakabase ito sa Qatar. Lumaki ang sirkulasyon nito na umabot hanggang Bahrain at Oman na kapwa nasa Gitnang Silangan din. Tumagal ito nang halos 10 taon bago nahinto dahil sa pandemya mula noong Marso 2020. Pero sinalamin sa halos 10 taon na iyon ang naging pagtangkilik ng mga OFW sa PSN sa naturang mga bansa. May mga OFW pa nga sa Qatar na nagdadala ng kopya ng diyaryo kapag napupunta sila sa ibang bansa sa Middle East tulad sa United Arab Emirates at Saudi Arabia. Bagaman mga Arabo ang mga may-ari at namamahala sa kumpanyang naglalathala at namamahagi ng PSN sa Qatar, mga Pilipino naman ang mga nagsusulat dito at ang ibang mga staff nito.

Naging pamilyar sa mga mambabasang OFW ang mga pangalang Chris Panganiban, Raynald Rivera, Manny Camato, George Babiano, Manny Flores, Maryam Bernabe Palomares, Star Villanueva, Darlene Modelo Regis at Jovelyn Bayubay (isang Pinay domestic helper) na pawang mga OFW sa Qatar na nagsulat ng mga balita, kolum, lathalain, tula o kuwento sa PSN Middle East Edition.

Kasama na rin sa kanilang hanay si Cecil Ancheta na OFW sa Bahrain. Mga OFW din ang ilan sa administrative staff nito tulad nina Morena Altura. Maraming organisasyon ng mga OFW ang nakapagpalabas ng kanilang mga aktibidad at simulain sa pahayagang ito. Naging saksi ang PSN sa buhay ng mga Pinoy sa Gitnang Silangan. Nagmistulang diyaryo ng mga OFW ang PSN-Middle East edition.

Bukod dito, nagkaroon din ng lingguhang kolum na Pinoy Overseas sa Libangan section ng PSN na tumatalakay sa mga usa­ping may kinalaman sa mga OFW at ibang mga Pilipinong namumuhay sa ibang bansa. Kaya, hanggang ngayon at kahit sa hinaharap, nananati­ling bahagi sa buhay ng mga OFW ang PSN, ang diyaryo ng mga OFW.

PSN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with