Marcos: Reklamo ng text scams '93.3% ibinaba' dahil sa Sim Registration Law

File photo shows SIM cards
The STAR / Edd Gumban

MANILA, Philippines — Masayang ibinalita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang "sobra-sobrang" pagbaba diumano ng mga nagrereklamo tungkol sa text scams matapos ipatupad ang Sim Card Registration Act — 'yan ay kahit nangyayari pa rin talaga ito sa totoong buhay.

Miyerkules ng gabi nang sabihin ni Bongbong na nagkaroon ng pagbulusok sa bilang ng nagpapadala ng complaint, bagay na papalapit na raw sa halos 95%.

"[Nasa] 93.3% ang ibinaba ng mga reklamong natatanggap ng National Telecommunications Office simula ng ating ipatupad ang SIM Card Registration Act!" banggit ni Bongbong sa isang paskil sa Facebook kagabi.

"Unti-unti nang nagiging mas ligtas ang ating digital space kaya naman patuloy naming inaanyayahan ang lahat na magregister na para sa panatag na pagnenegosyo, pagtatrabaho, at pamumuhay!"

 

 

Ayon sa presidente, halaw daw ito mismo sa datos ng National Telecommunications Office, na una nang nag-set-up ng online complaint center laban sa naturang scams.

Una nang sinabi ni Marcos na gagamitin nila ang batas upang matugunan ang mga krimeng ikinakasa dahil sa paggamit ng SIM cards. Sa kabila nito, ilang progresibong grupo at data privacy advocates ang kumekwestyon dito dahil sa isyu ng seguridad at posibleng paniniktik.

Oktubre 2022 lang nang sabihin ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na umabot na sa "millions of dollars" ang nawawala sa mga Pilipino dahil sa mga text scams.

More than 90%? Talaga?

Sa kabila ng nagtataasang datos na iprinesenta ng gobyerno, ilang Pilipino ang nakatatanggap pa rin ng sandamakmak na text scams. Ito'y kahit sila'y pare-parehong nakapagparehistro na.

Nakapanayam ng Philstar.com ang ilang netizens na bahagi nang marami pang nakakukuha pa rin ng scams sa kabila ng pangako ng gobyerno. Ilan na riyan sina Jake Evangelio, Jed Tabago at isa pang ayaw magpapangalan.

"Dinidelete ko lagi [mga nakukuha kong text scams], but the latest was yesterday. Tapos nagregister ako noong Feb 24 [2023]," ayon sa panayam namin sa isang mobile user.

"Haha, sasabihin niyan [ni Bongbong], small sample size lang kami hahaha."

Ganyan na ganyan din naman ang karanasan nina Jed at Jake, na siyang nakakukuha pa rin ng mga ito hanggang ngayon. Si Jed ay ika-29 ng Disyembre, 2022 pa nagparehistro habang ika-1 ng Marso naman si Jake.

"[Sabi ni Marcos galing ito sa datos ng] reklamo. Eh 'di ako nagrereklamo haha," natatawang tugon ni Jake.

Bukod sa tatlo, marami pang nagpahayag sa Philstar.com na patuloy na nakakukuha ng scam sa ngayon.

'Dahil sa pag-block ng URL, hindi sa batas'

Ayon naman sa interview namin kay Ronald Gustilo, national campaigner ng grupong Digital Pinoys, hindi accurate na sabihing ang kontrobersyal na batas ang dahilan kung bakit kumonti ang mga reklamo tungkol sa scams sa ngayon.

"The drastic decline of spam texts cannot not be attributed to the SIM registration law," ani Gustilo sa isang interview.

"Credit should be given to the public outcry which pushed the government to act on the problem by blocking text messages with URLs."

Setyembre 2022 pa lang ay ipina-block na ng National Telecommunications Commission ang mga website Uniform Resource Locators (URLs) na ikinakabit sa mga naturang scam texts, kahit na Oktubre pa noong pirmahan ito ni Marcos.

Show comments