7 miyembro ng Tau Gamma kakasuhan sa Salilig hazing
MANILA, Philippines — Nakatakdang sampahan ng dalawang magkahiwalay na kasong kriminal ng Department of Justice (DOJ) prosecutors ang pitong miyembro ng Tau Gamma Phi makaraang makitaan ng ‘probable cause’ sa pagpaslang sa miyembro nilang si John Matthew Salilig.
Bukod sa pagkamatay ni Salilig, kakasuhan din ang mga miyembro ng fraternity sa pinsala naman na inabot ng neophyte na si Roi Osmund Dela Cruz.
Kabilang sa sasampahan ng mga kasong Anti-Hazing Act of 2018 sina: Earl Anthony Romero, a.k.a. Slaughter; Tung Cheng Benitez, a.k.a. Nike; Jerome Ochoco Balot, a.k.a. Allie; Sandro Dasalla Victorino, a.k.a. Loki; Michael Lambert Ricalde, a.k.a. Alcazar; Mark Muñoz Pedrosa, a.k.a. Macoy; at Daniel Delos Reyes, a.k.a. Sting.
“In finding probable cause against the respondents, the panel explained in its resolution dated 13 March 2023 that all of the above-mentioned respondents planned and actually participated in hazing the recruits by way of paddling,” saad ng DOJ sa inilabas na resolusyon.
Isasampa ang kaso sa Biñan City, Laguna Regional Trial Court.
Napatunayan umano ng mga complainant na naging dahilan ng pagkamatay ni Salilig ang mga tinamo niyang mga pinsala dulot ng pananakit sa hazing.
Samantala, naghain din ng hiwalay na reklamo noong Marso 10 ang pamilya ni Salilig at Dela Cruz laban sa 12 personalidad. Isa pang set ng reklamo ang isinampa naman nina Alexander Marcelo at Earl Justine Abuda laban sa 18 katao.
Hindi pa natatalagahan ng prosecutor ang dalawang reklamo na dadaan muna sa preliminary investigation bago ito iakyat ng pormal sa korte.
- Latest