MANILA, Philippines — Nakalusot na sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang nagpapahintulot sa mga babaeng may asawa na panatilihin ang kanilang apelyido sa pagkadalaga.
Sa viva voce voting sa plenaryo nitong Martes ng gabi ay pinagtibay ang House Bill (HB) 4605 o “An Act Providing for the Right of a Married Women to Retain Their Maiden Surnames” na nag-aamyenda sa Section 1, Article 370, Title 9, Book 3 ng New Civil Code of the Philippines.
Alinsunod sa nasabing panukala, ang mga babaeng may asawa na ay maaaring mamili kung gagamitin ang kaniyang pangalan at apelyido sa pagkadalaga; pangalan at apelyido sa pagkadalaga at dito’y idadagdag ang apelyido ng kaniyang mister at gamit ang apelyido ng mister na nakasaad na isa siyang misis.
Sa ilalim ng umiiral na Civil Code, ang isang babaeng may asawa na ay kailangang isaad ang nais niyang pagkakakilanlan sa nasabing mga option.
Layon nito na mabigyan ng pantay na karapatan sa batas ang lalaki at babae sa pamamagitan ng pagpapanatili sa kanilang apelyido sa pagkadalaga.
Inaasahan namang mapagtitibay sa ikatlo at pinal na pagbasa ang nasabing panukalang batas sa susunod na linggo bago ang taunang ‘summer recess’ ng Kongreso.