MANILA, Philippines — Tiniyak ng kampo ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr. na "hindi nagtatago" sa ibang bansa ang mambabatas matapos idiin bilang utak diumano sa pagpapapatay kay Gov. Roel Degamo — pero uuwi lang daw siya ng Pilipinas kung magiging patas ang paghawak sa kanyang kaso.
Ito ang ibinahagi ni Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, Martes, sa panayam ng CNN Philippines. Matatandaang pinagbabaril si Degamo, na kilalang karibal ng kapatid ni Teves sa pulitika, noong ika-4 ng Marso habang namamahagi ng ayuda.
Related Stories
"He is not in hiding because he left long before the crime being imputed to him was committed and one cannot be in hiding when there is nothing to hide from," ani Topacio sa interview kanina.
"[Teves] is more than eager to come back to face the charges and clear his name."
Matatandaang dalawang suspek sa pagpatay kay Degamo ang nagturo sa isang "Congressman Teves" bilang nasa likod ng karumal-dumal na krimen. Si Arnolfo ay kapatid ni Pryde Henry na dati ring naging kinatawan ng Negros Oriental.
Una nang naibalitang lumipad patungong Estados Unidos si Teves noong ika-28 ng Pebrero para magpagamot, ngunit hindi na bumalik ng Pilipinas. Ito'y kahit nag-expire na ang kanyang travel authority ng Kamara noong ika-9 ng Marso.
Sabi pa ni Topacio, kailangan nila ng assurance mula sa mga otoridad na hindi siya agad hahatulang "guilty" hangga't hindi nakapagsasagawa ng mainam na imbestigasyon.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang sabihin ng panig ni Teves na nangangamba siya ngayon para sa kanyang kaligtasan.
Mga tauhan ni Teves arestado
Ang lahat ng ito ay nangyayari matapos maghain ng reklamong kriminal ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group laban sa sektretarya ng mambabatas at lima pang iba.
Kunektado ito sa pagkakakumpiska ng mga sumusunod na mga armas, pampasabog at mga bala sa ilang ari-arian ni Teves, dahilan para maaresto ang ilan:
- tatlong granada
- 10 maiisking baril
- six riple
- 165 halu-halong live ammunition
- 194 halu-halong empty shells
- 22 halu-halong magazines
Inihahanda naman na "as soon as possible" ang mga reklamo ng illegal possession of firearms and explosives laban kina Rep. Teves, kanyang mga anak na sina Kurt Mathrew at Axl kahit na wala sila nang ipatupad ang mga warrant, ayon pa sa kapulisan.
Una nang hinainan ng multiple-murder complaint para sa serye ng mga pagpatay si Teves. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag