MANILA, Philippines — Inihain sa Kamara ang P750 daily wage increase sa lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.
Sa ilalim ng House Bill 7568 ng Makabayan bloc solons na sina House Deputy Minority Leader France Castro, House Assistant Minority Leader Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, sakop din ng panukala ang agricultural at non-agricultural enterprises sa pribadong sektor.
Ani Brosas, katanggap-tanggap ang nasabing halaga dahil sinasalamin din nito ang kasalukuyang gap sa kasalukuyang minimum wage levels at family living wage sa mga rehiyon.
Binanggit din ng mga may-akda ang ulat na nagpapakitang tumalon ng 17.5% noong 2021 o P13.44 trilyon ang kita ng mga kompanyang ito, mula sa P11.44 trilyon na naitala sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.
“Tumataas ang tubo ng mga kumpanya tapos may savings pa sa mas mababang buwis sa ilalim ng CREATE Law, ngunit hindi naman tumataas ang sahod ng mga manggagawa,”dagdag pa ni Brosas.
Ipinunto pa ng Makabayan bloc na ang umento sa sahod ang solusyon sa kawalan ng magagawa ng gobyerno para mapigil o makontrol ang inflation.
Idinagdag pa rito ang tumaas na buwanang kontribusyon sa Social Security System (SSS) at Pag-IBIG habang nakatakda namang tumaaas ang buwanang kontribusyon sa PhilHealth.
Nanawagan naman ang mga mambabatas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang House Bill 7568 upang makatulong sa milyon-milyong naghihikahos na mga manggagawang Filipino sa bansa.
“Significant wage increase is long overdue. Imbis na Charter Change ang atupagin ng gobyerno, dapat nitong gawing prayoridad ang umento sa sahod upang makapagbigay alwan sa tumitinding krisis sa ating bansa,” aniya.