MANILA, Philippines — Kaya pa umanong maisalba ng Philippine Coast Guard (PCG) katuwang ang ibang ahensya ng gobyerno at internasyunal na organisasyon ang nasa 800,000 litro ng industrial fuel na karga ng lumubog na MT Princess Empress.
Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na base sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), “intact” pa ang tangke ng Princess Empress kaya pinaniniwalaan na ang kumalat na langis sa dagat ay ang “operational fuel” pa lamang ng barko.
“Merong image na binigay samin ‘yung NAMRIA at mukhang intact pa po ‘yung tanker at wala pang nakikitang tagas na maramihan na nanggagaling doon sa kanyang mga tanks,” sabi ni Balilo
Sinabi ng Department of the Environment and Natural Resources (DENR) na ang NAMRIA ang nakakita sa lumubog na barko na nasa 400 metro lalim sa dagat at may 7.5 nautical miles mula sa Balingawan Point.
Sa obserbasyon ng DENR, tinatayang 591 ektarya ng coral reef, 1,626 ektarya ng bakawan, at 362 ektarya ng seagrass o seaweeds ang posibleng maapektuhan ng epekto ng oil spill.