MANILA, Philippines — Dumating na sa bansa kahapon ang mga ekspertong miyembro ng Japanese Coast Guard (JCG) upang tumulong sa pamahalaan para mapigilan ang pagkalat pa ng oil spill dulot ng lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Dumating sa bayan ng Pola sa naturang probinsya ang mga Hapones para magkasa muna ng site visit at assessment sa problema, may dalawang linggo makaraan ang paglubog ng tanker.
Sinabi ni Nihei Daisuke ng Japanese Embassy Minister for Economic Affairs, na binubuo ng dalawang grupo ang 11 eksperto na dumating na agad munang nakipagkoordinasyon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ito ay makaraang humingi ng tulong ang Pilipinas sa Japan at United States of America para masugpo ang oil spill at malinis ang bahagi ng karagatan na naapektuhan nito.
May deklaradong kargang 800,000 litro ng industrial fuel ang MT Princess Empress nang lumubog ito sa karagatan sa may Mindoro. Matapos ang dalawang linggo, hindi pa naaabot ng PCG ang barko dahil sa wala silang kapabilidad na sumisid ng 400 metro na kinalubugan nito.
Pinangangambahan na maapektuhan ng malapot na langis ang nasa 2,500 ektaryang coral reefs, mangroves at seaweed beds na tinitirhan ng sari-saring lamang dagat sa naturang bahagi ng karagatan.