Cha-cha malabo kung walang suporta ni Marcos

President Ferdinand Marcos Jr. attends the Civil Service Commission awards rites for the 2022 Outstanding Government Workers at the Ceremonial Hall in Malacañang on March 8, 2023.
Pool photos by KJ Rosales

MANILA, Philippines — Mahihirapang itulak ang Charter-Change (Cha-cha) kung walang suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon kay Senate President Juan Migueal Zubiri.

Ginawa ni Zubiri ang pahayag matapos sabihin ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel na walang pakialam si Marcos sa pag-amiyenda ng Konstitusyon.

“Nabasa ko ang statement ng aking kaibigan na si Minority Leader Koko Pimentel. Sinabi niya na walang pakialam si presidente sa pag-amyenda ng constitution. Pero tama po siya diyan pero without the support of the President, alam mo mahirap din itulak ito,” ani Zubiri.

Ipinaliwanag ni Zubiri na mangangailangan ng budget para amiyendahan ang Konstitusyon na manggagaling sa Department of Budget and Management (DBM).

Bagaman at pumasa na sa House ang Cha-cha sa pamamagitan ng Constitutional Convention o Con-Con, wala naman silang bilang sa Senado.

Ayon kay Zubiri, kailangan ang ¾ votes o 18 senador para lumusot sa Senado ang panukala pero base sa mga nakausap niya, halos kalahati ay tutol sa charter change.

Ipinahiwatig ni Zubiri na pag-aaksaya lamang ng oras at mawawala ang focus ng Senado sa mga kailangang gawin kung igigiit ang Cha-cha.

Kung nais aniyang tulungan ang mga mamamayan ay puwede namang gawin sa pamamagitan ng pagpasa ng batas.

Show comments