MANILA, Philippines — Bukod sa patuloy na pagsugpo sa maagang pagbubuntis sa pamamagitan ng epektibong reproductive health education, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga batang ina upang maipagpatuloy ang kanilang edukasyon.
Ipinanawagan ito ni Gatchalian sa gitna ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso.
Aniya, kailangang suportahan ang mga batang ina lalo na’t mataas ang posibilidad na matigil sila sa pag-aaral matapos nilang manganak.
Ibinahagi ni Gatchalian ang mahalagang papel ng Alternative Learning System (ALS) para patuloy na mabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang mga batang ina.
Sa ilalim ng ALS na isinulong ni Gatchalian, institutionalized at pinalawak na ang ALS upang mabigyan ang mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mga mag-aaral, kabilang ang mga indigenous peoples, ng pagkakataong magkaroon ng basic at functional literacy at life skills. Mandato rin ng naturang batas na mabigyan ang mga mag-aaral na ito ng mga alternatibong paraan upang makatapos ng basic education.
Nababahala ang Commission on Population and Development (POPCOM) na nananatiling mataas ang bilang ng mga batang inang may edad 10-14. Noong 2021, 2,299 mga babaeng edad 10-14 ang nanganak, mas kaunti nang bahagya sa 2,534 na naitala noong 2020.