5 bahay ni Rep. Teves ni-raid ng PNP-CIDG
MANILA, Philippines — Sinalakay ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang limang bahay na pagmamay-ari ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. kaugnay ng umano’y mga loose firearms.
Dalawang oras tumagal ang paghahalughog ng mga pulis sa mga bahay ni Teves sa Purok 4, Brgy Poblacion, Basay, Negros Oriental sa bisa na rin ng Search Warrants no. 83-03-013 at 83-03-012 kaugnay ng programa ng CIDG na “OPLAN PAGLALANSAG OMEGA”.
Itinuturo si Teves na umano’y utak sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 4 sa kanyang bahay sa Brgy. San Isidro, Pamplona.
Isinasangkot din si Teves sa serye ng pagpatay noong 2019 sa nasabing lalawigan.
Itinanggi naman ni Teves ang akusasyon.
Inaresto naman si Jose Palo Gimarangan, ang sinasabing nakatira sa nabanggit na address habang itinuturing namang at large ang kongresista.
Nabatid na dakong alas-5:50 ng umaga nang pasukin ng mga tauhan ng HCIDG, AOCU, CIDG-NCRFU, CIDG-Regional Field Unit 7 (RFU7), 6th SAB, Special Action Force, at 11th Infantry Battalion, Philippine Army sa pakikipagtulungan ng Basay MPS, NOPPO ang bahay ni Teves.
Nakuha rito ang isang hand grenade; isang Caliber .45 pistol; isang magazine ng Caliber .45 pistol; isang Caliber .40 Glock pistol; isang magazine ng Caliber .40 Glock pistol; isang Caliber .40 pistol (With License but for verification); isang magazine ng Caliber .40 pistol; Rifle Scope; pitong Ammunitions para sa Caliber .45 pistol; at isang 50 rounds ng Ammunitions para sa Caliber 40 pistol.
Kinumpira naman ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, ang raid subalit sinabing hindi pa niya nakikita ang search warrant.
“Hindi pa klaro sa amin kung sino ang hinahanap nila o kung ano ang hinahanap nila,” ani Topacio.
Sinabi ni Topacio na hindi na nakagugulat ang raid dahil nakatanggap sila ng “intel” ilang buwan na ang nakalilipas na sasalakayin ng mga pulis ang bahay ni Teves.
“Itong raid na ‘to na-predict na namin ito. Almost three months I think noong nag-press conference kami ni Congressman Arnie Teves dito sa Valle Verde Country Club, na intel po sa amin na talagang ire-raid itong mga bahay,” dagdag pa ni Topacio.
- Latest