6 na persons of interest sa Adamson hazing death 'plano sumuko'
MANILA, Philippines — Nagbabalak na raw ang ilan pang personalidad na iharap ang sarili sa otoridad kaugnay ng kaso ng hazing na ikinamatay kamakailan ni John Matthew Salilig, isang estudyante ng Adamson University.
'Yan ang ibinahagi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa ulat ng ABS-CBN News, Biyernes, ilang araw lang matapos sumuko ang apat na miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity sa National Bureau of Investigation nitong Lunes.
"'Yun ang balita namin, may anim pa na gustong sumuko sa hazing cases," ani Remulla kanina.
"I have not really looked into the hazing cases but I’m sure our people here are on top of it. I got a report yesterday that there are more witnesses who wanted to surface and give ah, clarify their involvement or non-involvement in the hazing cases."
Una nang hinainan ng reklamong kriminal kaugnay ng paglabag diumano sa Republic Act 11053 (Anti-Hazing Law) ang mga sumusunod na siyang pinaniniwalaang nasa likod ng naturang hazing rites:
- Tung Cheng Teng
- Earl Anthony Romero Jerome Balot
- Sandro Victorino
- Michael Lambert Ritalde
- Mark Pedrosa
Isa sa mga persons of interest sa kaso na si "alyas Sakmal" ang kamakailang natagpuang patay sa sarili niyang bahay.
Ika-18 ng Pebrero nang mamatay si Salilig, isang 24-anyos na third year engineering student mula Zamboanga, na siyang natagpuang nakalibing sa Imus City kamakailan. Sinasabing nawala siya bago ito.
Una nang sinabi ng Philippine National Police na napuruhan ang estudyante ng hindi bababa sa 70 palo sa katawan gamit ang paddle.
Matapos ang bagong insidente ng pagpanaw sa hazing, umiinit uli ang panawagan nang marami na muling aralin ang Anti-Hazing Law at ibasura ang planong pagbabalik ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps program, isang pagsasanay militar sa eskwela kung saan dati na ring nangyari ang ilang insidente ng hazing. — James Relativo
- Latest