Pagpapalaya ng BuCor sa 416 preso vs 'siksikang kulungan' pinalakpakan
MANILA, Philippines — Ikinalugod ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpapalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) sa daan-daang preso na nakatutulong daw upang mapaluwag ang mga siksikang kulungan sa bansa.
Ika-20 ng Pebrero lang nang sabay-sabay palayain nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang nasa 416 inmates o Persons Deprived of Liberty, matapos nilang makumpleto ang kanilang sintensya o 'di kaya'y mapawalang-sala.
"CHR acknowledges that this recent action by the BuCor, as well as their plan to release 5,000 more qualified PDLs by June 2023, contributes to the overall decongestion of detention facilities," wika ng komisyon sa isang pahayag, Biyernes.
"This effort may also be seen as a positive exercise of the President's power to grant reprieves, commutations, and pardon under the 1987 Constitution toward upholding the dignity and rights of PDLs."
Kabilang sa mga nakalaya ang mga sumusunod:
- naabswelto: 78
- nabigyan ng probation: 9
- nabigyan ng parole: 81
- tinapos ang kanilang maximum sentence: 248
Ika-24 lang ng Pebrero nang simulan ng DOJ ang pag-atras ng mga kasong hinahawakan ng first-level courts na walang "reasonable certainty of conviction." Ang mga korteng ito ay humahawak ng mga kasong may parusang pagkakakulong ng mas mababa pa sa anim na taon.
Kamakailan lang din ipagutos ng Department Circular 11 ni Remulla sa mga piskal na ibaba ang piyansang inirerekomenda para sa pansamantalang kalayaan ng mga mahihirap na isinasakdal sa kasong kriminal. Ang dalawang ito ay para rin makapagpaluwag ng kulungan.
"The Commission further underscores that a humane correctional system which promotes the release of PDLs — especially those who have qualified for clemency, such as the elderly and the sick — bolsters the realisation of citizens’ fundamental right to liberty and due process," dagdag pa ng CHR.
"The justified order for their release is also in accordance with the Universal Declaration of Human Rights and the International Covenant on Civil and Political Rights."
Patuloy namang nakikiusap ang komisyon sa gobyernong muling i-review ang kaso ng mga arbitrary arrest o unjust detention dahil sa mga pulitikal na kadahilanan.
Anila, maaari raw makatulong sa gobyerno ang paggamit ng prinsipyo ng due process, presumption of innocence, karapatan sa mabilis na paglilitis, atbp. gaya na lang sa kaso ni dating CHR chairperson at dating Sen. Leila de Lima.
Dati nang nababahala ang CHR sa isyu ng overcrowding, maruming mga pasilidad, pangit na bentilasyon at kawalan ng healthcare support na siyang hinaharap daw ngayon nang maraming detention centers.
Setyembre 2022 lang nang makatikim ng kanilang kalayaan ang 371 pang PDLs bago pa isumite ng DOJ ng pangalan ng nasa 300 PDLs sa Malacañang para sa posibleng executive clemency. — James Relativo
- Latest