MANILA, Philippines — Sa pagdiriwang ngayon ng ika-37 anibersaryo ng Pilipino Star NGAYON, kasabay nito ang pagsaludo sa ating mga kababaihan na binibigyan din ng pagpupugay bilang pagbubunhi ng Girls’ and Women’s Empowerment na ang theme ngayong taon ay We Make Change Work for WOMEN ngayong buwan ng Marso. Ang layunin ng pagdiriwang ng Women’s Right ay tungo sa ikakaunlad ng mga kababaihan sa lahat ng aspeto ng lipunan na kanilang ginagalawan.
Bale ba, sa loob ng tatlumpu’t pitong taon ng PSN na mula pa noon ay kasangga na ng mga kababaihan ang pahayagan na ipinaglalaban ang mga karapatan; at ang matapang na ipinapahayag ang pagbabalita para sa kapakanan ng ating mga babae sa ating paligid.
Bilang tinaguriang diyaryong disente, kinokondena ng PSN ang mga karahasan at pang-aapi para sa ating mahal na kababaihan. Bagkus ay higit pang pinoprotektahan ng PSN sina nanay, ate, lola, tita, at mga nene kung ituring sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon upang lalo pang palakasin ang kakayahan at talento ng ating mga mahal sa buhay.
Sa nagdaang mahigit na tatlong dekada at pitong taon, kakampi na ng mga kababaihan ang PSN na solidong kaagapay upang isulong ang mga karapatan na ipinaglalaban sa kahit anong kinabibilangan ng ating mga kababaihan.
Kung paano sa simula pa lamang ng pagbubuo ng International Women’s Day mula sa orihinal na pagsisikap ng grupo mula sa Amerika na nagsanga-sanga sa iba’t ibang bansa. Hindi nagpahuli ang mga Pinay upang isulong din ang Women’s Month sa bansa bilang pagdiriwang ng mga tagumpay ng ating mga kababaihan. Lalo’t bigyan ng pansin kung paano palalakasin ang sinasabing empowerment at gender equality na isyu, kahirapan, at ang masigasig na pagpupursige ng ating mga kababaihan.
Sa anomang layunin ng National Women’s Month para ipamalas ang mga achievements ng mga babae; higit lalo na ang labanan ang pagsasamantala sa mga biktima ng karahasan, kahirapan, at sa mga hindi inaasahang pagkakataon. Tiyak ang PSN ay kaagapay na ng ating kababaihan. Upang paigtingin ang proteksyon at palakasin ang mga adhikain ng ating mga kakabaihan tungo sa kaunlaran.
Sa anomang laban ng mga babae, laging nakahanda ang PSN bilang kakampi ng masang kababaihan upang palakasin ang kanilang responsibilidad at kalayaan sa ating tahanan, paaralan, at sa ating mundo. Lingid sa kaalaman, marami sa mga babae ay may mababa ang sinasahod na hindi naaayon sa law, kulang ang proteksyon pagdating sa batas, nakararanas ng harassment sa trabaho, o kalupitan sa kanilang pribadong buhay. Lalo na ang empleyado na madalas ay naaabuso rin.
Sa pagdiriwang ng National Women’s Month ay muling ipinaalala kung gaano kahalaga ang karapatan at kakayahan ng mga kababaihan sa ating lipunan. Panahon na upang baguhin ang kapalaran ng mga babae na may malaking ambag sa simpleng mundong kanyang ginagalawan.
Kaya sa anomang hamon sa ating mga kababaihan, patuloy na magiging boses ang bawat pahina ng PSN sa bawat buhay ng lahi ni Eba sa ating lipunan.