MANILA, Philippines — Sa loob ng 37 taon na paghahatid ng Pilipino Star Ngayon (PSN) ng mga makabuluhang balita at impormasyon sa masang Pilipino, masasabing kumpleto na ang nilalaman ng numero unong tabloid sa Pilipinas.
Bukod sa mga nangyayari sa loob at labas ng bansa, nariyan na rin ang tungkol sa showbiz, libangan tulad ng puzzle at mga trivia gayundin ang tungkol sa sports at opinyon.
Para kay Aileen Aparri, 42-anyos na taga-Quezon City at dating Youth leader sa Fairview at staff ni Konsehal Ram Medalla, nais niya na muling mabasa ang tila comics at pocket book sa pahayagan tulad ng mga isinusulat ng mga batikang manunulat na sina Helen Meri, Hilda Olvidado at Lualhati Bautista.
Salaysay pa ni Aparri na sa mga ganitong babasahin umiikot ang kanyang pantasya at nalilibang pa siya, bukod dito bilang dating youth leader na madalas na naiimbitahang magsalita sa mga pagtitipon, isa ang PSN sa kanyang mga pinagkukunan ng impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa paligid at mga current events.
Kung si Arlyn Biglang-Awa, 42, naman ang tatanungin na isang guro sa Universidad de Manila, nais niya na maglagay ng pahina tungkol sa fashion at usapang Hollywood.
Sinabi pa ni Biglang-Awa na masarap na mabasa ang tungkol sa may kinalaman sa fashion at makita ang mga write-ups na ito kasama ang mga naggagandahang larawan nila.
“Kasi alam nyo base sa mga recent research now ah very short Ang life span on focusing ng reader’s kahit ako I can exercise my critical thinking pag sustainable with pictures mas....lumalawak Ang kaisipan sa maliit na Oras ng pagbabasa,” ayon pa kay Biglang-awa.
Ang nais naman ni Charina Faustino, 42, ay ang pandaigdigang balita dahil ang kanyang kabiyak ay isang OFW.
Suhestiyon naman ni Faustino na magkaroon ng isang bahagi sa pahayagan na tungkol sa mga liham na padala na may mga istorya na pang adult (sabay malisyosong tawa).
Sina Aparri, Biglang-Awa at Faustino ay 26 taon nang magbabarkada simula pa lamang sa kanilang kolehiyo at tinagurian rin nila ang kanilang sarili na mga adik sa balita para lagi silang updated sa paligid nila, na bagama’t millennials sila kaya pa rin nilang makipagsabayan sa lahat ng uri ng usapin maging sa politika man ito, showbiz, sports at iba dahil sa pagbabasa nila sa PSN.
At kahit mga millennials, mas pinipili pa rin nila ang pagbabasa ng tradisyunal na pahayagan tulad ng PSN dahil dito ay wala kang mababasang fake news hindi tulad sa internet o digital na naglipana ang mga “Maritess news”.