MANILA, Philippines — “Kung ang pagbabasa, pakikinig o panonood, mas nais ko ang pagbabasa sa kadahilanang natandaan ko ang naging disiplina ng aming ama na isang guro na magsasaka na ang libangan ay ang pagbabasa.”
Ito ang bungad ni Violy Floro, 71-anyos habang naabutan ko siyang nagbabasa, kaya agad ko siyang nilapitan para tanungin kung bakit sa dinami-dami ng pahayagan ay ang Pilipino Star NGAYON (PSN) ang kanyang pinili.
Sinabi ni lola Violy na pamanang maituturing ng kanyang ama sa kanya ang kahalagahan ng pagbabasa kaya kung papipiliin siya ng libangan kesa manood ng mga teleserye ay mas nais na lang niyang magbasa ng balita sa dyaryo.
Bagama’t batid naman niya ang modernong pagbabago pagdating sa libangan at kung pagbabalita naman ay dyaryo pa rin ang kanyang pipiliin.
Bukod kay lola Violy, maging ang kanyang anak na lalaki na si Mauricio Jacinto 50-anyos ay lagi niyang pinaalalahanan na para iwas sa kapahamakan at laging alerto dapat alam ang balita.
Kung ano ang naipamana ng ina sa anak ay nakakatuwang isipin na maging apo niya na si Zaren Shane Jacinto, 26 ay kinahiligan ang pagbabasa ng balita, balita sa PSN.
Aminado si Lola Violy na ang apo niya ay nagbabasa sa pamamagitan naman ng online bagaman kaparehong pahayagan pa rin ang tinatangkilik.
“Ayokong mamatay ang tradisyon ng pagbabasa, marami kang natutunan dahil dito batid ko agad ang layunin ng PSN dahil mahigit 2 dekada ko na itong tinatangkilik di na mabilang ang perang naubos ko para sa aking araw-araw na libangan dahil tuhog na ng PSN ang lahat,” dagdag pa niya.
Binigyan diin pa ng lola na malalayo sa maagang pagkalimot ang mga matatandang imbes na tsimis ang atupagin ay magbasa na lamang.
“Sa mahigit 2 dekada ko ng pagbili ng pahayagan nyo, wala na ata akong hindi alam, sariwa pa sa aking isipan ang mga nakaraang kaganapan dahil sa inyong pahayagan,ss” pagtatapos pa niya.
Nagpapatunay lamang ito na sa mahigit na tatlong dekada ng pamamayagpag ng PSN ay patuloy ang paghahatid ng balita at nailalapit ito sa masang pilipino sa iba’t ibang henerasyon maging tradisyunal na dyaryo ito o maging sa online man.