'Lahat patay': Isabela 6-seater plane na Enero pa nawawala natagpuan na
MANILA, Philippines — Nakita na ng otoridad ang nawawalang Cessna 206 aircraft (RP-C1174) galing sa probinsya ng Isabela na ika-24 ng Enero pa inaabangan sa Maconacon Airport — gayunpaman, wala nang buhay ang lahat ng pasahero ng six-seater plane.
Matatandaang umalis sa Cauayan Airport ang nasabing eroplano noong parehong araw. Sa kabila nito, ngayong Huwebes (ika-9 ng Marso) lang ito nakita bandang 11-11:30 a.m.
"The wreckage of the missing Cessna that we have been looking for in the past 44 days, sadly there were no survivors," ani Constante Foronda, head ng Isabela Incident Management Team, sa isang press conference.
"We delayed this briefing until all the relatives of all the passengers and the pilots have been informed."
Sa pagtataya ng gobyerno, aabutin ng tatlong araw bago maibaba ang lahat ng bangkay kung maayos ang panahon.
Una nang sinabi ng kapamilya ng mga pasahero na papunta sana ang mga nabanggit sa isang burol ng kanilang kamag-anak bago biglang nawala ang eroplano.
"As soon as possible, ibababa po natin ang mga labi ng mga pasahero," dagdag pa ni Foronda.
"Pero 'yung wreckage, kailangang i-secure pending investigation by the [Civil Aviation Authority of the Philippines]."
Natagpuan ang bangkay ng mga pasahero at piloto halos dalawang linggo matapos ma-retrieve ang hiwalay na Cessna 340A plane crash victims sa ibabaw ng Bulkang Mayon sa probinsya naman ng Albay.
Wala ring nabuhay sa mga pasahero ng naturang eroplano, na lulan naman ang dalawang Pilipino at dalawang Australian nationals. Ang huli ay sinasabing "technical consultants" ng isang renewal energy company. — may mga ulat mula sa News5
- Latest