Pangulong Marcos walang mawawalan ng trabaho sa PUV modernization

President Ferdinand Marcos Jr. attends the Civil Service Commission awards rites for the 2022 Outstanding Government Workers at the Ceremonial Hall in Malacañang on March 8, 2023.
Pool photos by KJ Rosales / The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang mawawalan ng trabaho sa isinusulong na modernisasyon ng mga public utility vehicles (PUVs).

Inihayag ito ng Pangulo matapos pumayag ang mga drivers at operators ng PUVs na itigil ang isinasagawang tigil-pasada.

Nakipagpulong ang mga lider ng grupong Manibela at Piston kay Presidential Communications Operations Office Secretary Cheloy Garafil sa Palasyo ng Malacañang at nagpasyang itigil na ang isang linggong jeepney strike.

Sa ambush interview sa launching ng Kadiwa ng Pangulo para sa mga manggagawa sa Quezon City, sinabi ni Marcos na habang hindi pa naipatutupad ang modernisasyon, kailangan na tiyakin na ligtas ang mga pasahero.

“Ang problema na kanilang sinasabi ay baka hindi sila mapautang para makapagbili ng bagong sasakyan kaya’t iyan ang tinitingnan namin ngayon na tiyakin na walang mawawalan ng trabaho dahil hindi nakapagbili ng electric vehicle pagdating ng panahon, wala pa tayo doon, pero sa ngayon ang ginagawa lang natin tiyakin lang natin na safe ang ating mga sasakyan, na hindi malagay sa alanganin ang mga pasahero, ang mga commuter,” ani Marcos.

Sa June 30 sana ang itinakdang deadline ng pamahalaan para sa modernization program. Pero dahil sa pag-angal ng mga drivers at operators, nagpasya ang Land transportation Franchising and Regulatory Board na palawigin pa ito ng hanggang December 31.

Nagpahayag ng pag-asa ang Pangulo na sapat na ang nasabing palugit para ayusin ang pag-inspeksyon at pagpapalit ng mga lumang jeepney.

Nagpasalamat din si Marcos dahil pumayag na itigil ang strike at makipag-usap sa gobyerno.

Nasa ikalawang araw pa lamang mula sa isang linggong tigil pasada ang mga drayber at operator nang magpasyang tuldukan na ang transport strike.

Show comments