MANILA, Philippines — Balik sa pagiging gobernador ng lalawigan ng Cagayan si Manuel Mamba makaraang ibasura ng Commission on Elections (Comelec) ang inihaing disqualification laban sa opisyal.
Sa 18-pahinang resolusyon, binaligtad ng Comelec en banc ang resolusyon ng Comelec Second Division na nagdidiskuwalipika kay Mamba dahil sa mga alegasyon ng paggamit ng pondo ng gobyerno sa election period mula Marso 25 hanggang Mayo 8, 2022.
Ikinatwiran ng Comelec na wala silang hurisdiksyon na magpalabas ng desisyon sa diskuwalipikasyon ni Mamba dahil ang petisyon ay isinampa makaraan ang kaniyang proklamasyon.
Nabatid na naiproklama na gobernador ng Cagayan si Mamba noong ala-1:39 ng madaling araw ng Mayo 11, habang naisampa ang petisyon laban sa kaniya ni Ma. Zarah Rose De Guzman Lara dakong alas-6:21 ng gabi ng Mayo 10 sa pamamagitan ng email kung kailan tapos na ang office hours. Opisyal na natanggap lamang umano ng komisyon ang petisyon dakong alas-8 ng umaga ng Mayo 11.
Ayon naman kay Mamba, ang desisyon ng Comelec ay tagumpay ng 302,025 Cagayanon na bumoto at nagtiwala sa kanya.
Tiniyak din ni Mamba na walang insidente ng vote-buying at nangakong ibibigay ang pinakamahusay na serbisyo sa lahat ng Cagayano.
Sa kabila nito, inirefer naman ng komisyon ang alegasyon laban kay Mamba sa kanilang law department para magsagawa ng preliminary investigation.— Victor Martin