Radio challenge ng PCG, dinedma ng 44 Chinese vessels

MANILA, Philippines — Hindi pinapansin ng 44 barko ng China na nasa paligid ng Kalayaan Islands ang “radio challenge” na ipinapadala ng Philippine Coast Guard (PCG) at patuloy na nagmamatigas na manatili sa karagatang nasa teritoryo ng Pilipinas.

“Ang Coast Guard Station natin sa Pagasa ay patuloy na china-challenge ito over the radio at sinasabing ang 12 nautical miles ng Pag-asa Island ay territorial sea ng Pilipinas,” saad ni PCG Commodore Jay Tarriela, spokesman para sa West Philippine Sea.

Sa kabila nito, bumabagsak umano sa binging tainga ng mga tripulante ng barko ng China ang radio challenges at nagmamatigas na manatili sa lugar.

Sinabi ni Tarriela na nagpapakita lamang ito na hindi iginagalang ng China ang soberenya ng Pilipinas sa karagatan at lumalabag sa “right to innocent passage” dahil sa pagiging banta sa seguridad at kapayapaan ng bansang nakasasakop sa karagatan.

Nitong Marso 4 ­unang naispatan ang barko ng People’s Liberation Army (PLA), barko ng Chinese Coast Guard at 42 Chinese maritime militia (CMM) vessels.

Show comments