Inflation rate bumagal sa 8.6% pero 'halos triple' pa rin vs Pebrero 2022
MANILA, Philippines — Bahagyang bumaba ang inflation rate para sa buwan ng Pebrero 2023 patungong 8.6%, dahilan para bahagyang bumagal ang pagtaas ng presyo ng bilihin — kaso, malayo pa rin ito sa lagay ng bansa kung ikukumpara noong nakaraang taon.
Ito ang ibinahagi ng Philippine Statistics Authority, Martes, isang buwan matapos ang serye ng pagsirit ng mga presyo na nagtulak sa inflation rate patungong 8.7% noong Enero.
"Headline inflation in the Philippines slowed down to 8.6 percent in February 2023, from 8.7 percent in January 2023. In February 2022, inflation was lower at 3.0 percent," banggit ng PSA kanina.
"Among the 13 commodity groups, transport was the sole driver of the downtrend of the overall inflation during the month, recording a 9.0 percent inflation rate in February 2023 from 11.1 percent inflation in January 2023."
Hindi inaasahan nang marami ang datos na ito mula sa gobyerno lalo na't ipinagpalagay ng Bangko Sentral ng Pilipinas na papalo sa 9.3% ang inflation para sa naturang buwan.
Sa pambansang antas, bumaba rin ang food inflation patungong 11.1% noong Pebrero kumpara sa 11.2% isang buwan bago ito. Nasa 1.1% lang ito noong February 2022.
"The downtrend in the food inflation was mainly brought about by the lower year-on-year growth in the index of vegetables, tubers, plantains, cooking bananas and pulses at 33.1 percent in February 2023, from 37.8 percent in January 2023," dagdag pa nila.
Isa ang mataas na presyo ng bilihin lalo na ng pagkain sa mga problema ngayon ng ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bagay na nagpasirit sa presyo ng sibuyas patungong P720 kada kilo noong Disyembre.
Buhat ng pagtataas ng presyo ng mga nabanggit, itinulak ng administrasyong Marcos ang importasyon ng banyagang sibuyas na siyang inalmahan ng mga lokal na magsasaka. Dinamihan kasi ang pagpasok ng produktong dayuhan kahit na nagsimula na ang panahon ng kanilang anihan.
Isa ang krisis sa pagkain sa mga dahilan kung bakit nananatiling "kalihim" ng Department of Agriculture si Marcos. Isa sa mga campaign promise niya ang P20/kilong bigas na hindi pa rin natutupad.
Una nang ipinapanawagan ng Alliance of Concerned Teachers ang pagtataas ng sweldo ng mga guro at paglalabas ng kanilang "delayed benefits" dahil sa inaasahan sanang pagsipa ng inflation rate sa 9.3%.
- Latest