Oil spill sa Mindoro umabot na sa Antique
DOTr, papasaklolo na sa Japan
MANILA, Philippines — Kinumpirma nitong Sabado ng Philippine Coast Guard (PCG) na umabot na sa Caluya, Antique ang oil spill mula sa lumubog na oil tanker sa Oriental Mindoro.
Ayon sa ulat mula sa PCG District Western Visayas, na-monitor ang oil spill sa mga baybayin ng Sitio Sabang, Brgy. Tinogboc (1km); Liwagao Island, Brgy. Sibolo (2km); at Sitio Tambak, Brgy. Semirara (2km) sa bayan ng Caluya.
Ang MT Princess Empress ay lumubog na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil habang ito ay naglayag sa maalon na karagatan sa Naujan, Oriental Mindoro noong Martes.
Sinabi ng PCG na ang sasakyang pandagat ay maaaring nasa 300 metro sa ilalim ng dagat, ngunit ang mga ekspertong diver ay umabot lamang sa 180 metro ang lalim.
Pinayuhan ng PCG ang mga residente mula sa apat na munisipalidad sa Oriental Mindoro na iwasang mangisda matapos sabihin ng marine experts na nasa 24,000 ektarya ng coral reef ang may posibilidad na panganib na dala ng kumalat na langis sa karagatan.
Samantala, hihingi ng tulong ang Department of Transportation (DOTr) sa Japanese government upang mapigilan ang pagkalat pa ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, sa Lunes ay makikipag-ugnayan na sila sa Japanese government, sa pamamagitan ng Japanese embassy at ng Japan International Cooperation Agency (JICA), hinggil dito.
Ani Bautista, malaki ang kakayahan ng Japanese government sa mga ganitong kaganapan.
Umaasa rin si Bautista na hindi na makakaabot pa ang oil spill sa Verde Island sa Batangas, na isang protected area.
Sinabi naman ng mga marine experts na mahigit sa 24,000 hektaryang coral reef area sa lalawigan pa lamang ng Mindoro ang maaaring malagay sa panganib dahil sa naturang oil spill. - Mer Layson
- Latest