MANILA, Philippines — Sa kabila ng katiyakan na 94 porsiyento ng mga jeepney driver ay hindi sasama sa transport strike, tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang ilang contingencies upang matulungan ang mga commuter na maaapektuhan ng kaguluhan.
Sa Inter-Agency meeting na pinamumunuan ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra nitong Biyernes, naglabas ng mga plano ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mabawasan ang epekto ng tigil-pasada na magsisimula sa Marso 6, Lunes.
Iniulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na halos 6 na porsiyento lamang ng mga public utility vehicles (PUVs) sa buong bansa ang inaasahang sasama sa transport strike.
Noong Miyerkules, sinabi ni Marcos na kailangan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno ngunit ang pagpapatupad nito ay nangangailangan ng mas maraming talakayan sa mga stakeholder nito, partikular na ang mga jeepney drivers groups.
Sinabi ng Pangulo na bagama’t nakikita niya ang pangangailangang gawing moderno ang mga pampublikong sasakyan, kailangan ang maayos na pagpapatupad ng programa.
Kabilang sa mga pagsisikap ng pamahalaan ay ang paglalagay ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang subaybayan ang sitwasyon gayundin ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga apektadong lugar at ruta.
Inatasan din ang PNP na pakilusin ang mga regional asset nito para magbigay ng tulong sa mga maaapektuhan ng transport strike, na magde-deploy ng hindi bababa sa 41 transport vehicles para maghatid ng mga commuter sa kanilang destinasyon.
Samantala, bibigyan naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga concerned agencies, tulad ng Department of Transportation (DOTr) at PNP, ng command center na tutulong sa pag-monitor sa kalagayan ng trapiko sa mga lugar na apektado ng welga.
Ang MMDA, PNP at AFP ay magpapakilos din sa humigit-kumulang 106 na transport vehicles nito para tumulong sa mga commuters.
Mahigpit ding makikipag-ugnayan ang MMDA at DOTr para sa posibleng pagsuspinde ng number coding scheme sa Metro Manila sa panahon ng welga.