3 pang suspek sa Salilig hazing, susuko na
MANILA, Philippines — Anumang oras mula ngayon ay inaasahan na rin ang pagsuko ng tatlo pang ‘persons of interest’ sa pagkamatay ni Adamson University chemical engineering student John Matthew Salilig.
Ayon kay Laguna Provincial Police director Police Col.Randy Silvio, tatlo pang ‘persons of interest’ ang nakikipag-ugnayan at nagtanong hinggil sa proseso ng pagsuko.
“Sabi lang namin mag-proceed lang sa Biñan or doon sa malapit na po-lice station para hindi na sila matakot, escortan na sila papuntang Biñan City Police,” ani Silvio.
Sa kasalukuyan, mayroon pang 10 persons of interest ang pinaghahanap at responsable sa pagkamatay ni Salilig.
Sinabi naman ni Biñan City Police chief ,Col. Virgilio Jopia, nakuha na nila ang address ng iba pang persons of interest. Nakamonitor din ang mga pulis para sa anumang kilos sa mga bahay ng nagtatagong mga suspek.
“Kapag sila po ay sumerrender, i-undergo po natin sila ng investigation dito at titignan din po natin ang kanilang criminal liability or criminal extent noong participation nila dito sa kasong ito,” ani Jopia.
Napag-alaman kay Jopia na tinutunton na ng mga pulis ang ikalawang sasakyan na ginamit sa pagbiyahe sa katawan ni Salilig.
Nauna nang nakuha ng mga imbestigador ang unang sasakyan na sinakyan ng fraternity members na sangkot sa hazing. Natagpuan ito sa bahay ng magulang ng isa sa mga suspek na si Aaron Cruz, sa Parañaque City.
Itinuro naman ng suspek ang lokasyon ng paddle na ginamit kay Salilig, subalit aniya ay sinunog na ito.
Samantala, ikinokonsidera na rin ng PNP na lutas na ang kaso ni Salilig matapos maaresto ang ilang suspek na miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity.
Kinasuhan ang anim ng paglabag sa Republic Act 11053 (or Anti-Hazing Act of 2018).
“Well, we consider this case na solved because of the arrest of the leaders or officers of the fraternity chapter.” dagdag pa ni Jopia.
- Latest